Mahal, sorry male-late ako. Naipit ako sa trapik. Love u
Sumaglit lang akong tumingin sa cellphone ko para basahin ang text ni Kiko. Nasa kalagitnaan ako ng pag-aayos ng mga forms ng kumpanya. Buti na lang at male-late siya. Matatapos ko pa ang trabahong ito.
“Nag-aantay na ba si Kiko sa baba?” tanong ni Aileen, kasama ko sa HR. Tumigil na pala ako sa trabaho ko at nakatitig na pala ako sa cellphone ko.
“Ah! Wala pa. Male-late nga raw siya.” Ibinaba ko na ang aking cellphone at itinuloy ang pag-aayos.
“Kakakilig naman. Sana, e, nandito rin boyfriend ko nang makapagpahatid-sundo rin ako,” natawang sabi ni Aileen habang ini-istapler ang mga papel sa harap niya. “Maiba ako. Di mo pa nga pala iyan naipapakilala sa akin. ‘Yan si Kiko. Di ba ‘yan ‘yung bokalista nung banda dun sa bar?”
“Ay hindi! Siya ‘yung bahista,” sagot ko.
“Ay! Akala ko ‘yan ‘yung bokalista. Di ba mga ganoong tipo ang papasa sa standards mo?”
Natawa na lang ako.
“Akalain mong nain-lab ka dun sa mukhang terroristang iyon. Sabagay, love is blind. Tignan mo nalang ako.” Sabay malakas na tumawa si Aileen. Nakitawa na rin ako. Naintindihan ko ang joke niya.
…
Hello, nahulog mo kanina sa bar ang calling card mo
Marami naman nagtext sa akin kagabi noong nakatulog na ako sa sobrang pagod, ngunit itong text na ito ang pinaka kumuha ng atensyon ko.
Natanggap ko po ang text mo kagabi. Sino po ito? Reply ko. ‘Di ko na inaasahan na sumagot pa siya. Bumangon na ako sa kama, naghilamos at diretso nang nag-asikaso ng sarili bago pumasok sa trabaho.
Halos na kalimutan ko na ang nagtext na iyon pero noong muling tinignan ko ang aking cellphone matapos kong kumain ng almusal. Ah hello! Kiko po kasama po ako roon sa banda kagabi.
Banda? Kagabi? ‘Di kaya eto ‘yung nabangga ko kagabi, ‘yung bokalista?
Ah ganun po ba? Hindi ko alam kung ano pa ang isusunod ko. Bihira lang kasi mangyari sa katulad ko ang ganitong bagay. ‘Di ko alam kung ano ba dapat ang magiging reaksyon ko.
Nakaka-istorbo na ba ako?
Ay! Di naman po. :) Palabas na ako ng bahay at nag-aabang na may dumaan na tricycle.
‘Wag mo na akong pino-po. Pakiramdam ko tumatanda ako. Ilang taon ka na ba?
24. Ikaw?
‘Yun naman pala e. Wag mo na akong pino-po. Dalawang taon lang naman ang tanda ko sa’yo. I’m turning 26.
Ah! Okay. Sabi mo e. :) I felt super awkward. Nakikipag-usap ako gamit ang SMS sa isang taong hindi ko kilala. Itinago ko na ang aking cellphone nang nasa loob na ako ng tricycle. Inaalala ko ang mukha ‘nung bokalista na nakabangga sa akin. Madilim sa bar kaya hindi ko masyado nakita ang mukha niya. At saka, ‘di ko rin masyado tinignan ang bokalista, kaya wala rin akong maaalala.
Matapos ang halos isang oras na biyahe dahil sa mabigat na trapik, nakarating ako sa opisina. Medyo haggard na ako pero kailangan isuot ko muli ang aking nakangiting mukha. Sa totoo nga lang ay mas nakakapagod ang biyahe ko papunta at pauwi, kaysa ang trabaho ko sa isang airconditioned office.
‘Pagkarating ko sa aking desk, agad kong hinanap sa aking bag ang aking cellphone. Katulad ng nakaugalian ko, halos nailabas ko na ang laman ng aking bag sa kakahanap ng aking cellphone. Medyo may kakulitan din kasi ang cellphone ko—kung saan-saan sumusuot.
Nice meeting you pala. Teka, how should I call you? Maria? Ella? Mariela? Nang makuha ko ulit ang cellphone ko, nabasa ko ang text ni Kiko. Natawa bigla ako. Mariela. Ayos ngang nickname iyon.
Ah! Ella na lang. :)
Okay. Nice meeting you, Ella. Napangiti ako, ‘yung tipong abot tengang ngiti. Ewan ko kung bakit ako napangiti nang ganoon.
Nice meeting you too, Kiko.
“Ahem!” Nakatayo na pala sa pintuan si Aileen. Nakatingin sa aking nang parang nag-uusisa.
“Kanina ka pa ba diyan?” tanong ko.




