Tuesday, March 20, 2012

SANA TOTOO talaga


     “Bakla ka ba?”
     Naitanong ko na rin ng diretso sa Sir Kevin ang matagal ko nang gustong itanong. Nag-ipon ako ng lakas ng loob para kausapin siya ng harapan at itanong sa kanya kung bakit niya ako iniiwasan.
     Hindi siya sumagot. Nakatungo lang siya. Hindi na siya makatingin sa mata ko.
     “Alam mo bang iniisip kong ginamit mo lang ako para sabihin mong lalaki ka sa mga kakilala mo. Masabi mo lang na kaya mong manligaw ng babae.” Konti na lang ay tutulo na ang mga luha ko.
     Tumigil ako sa pagsasalita. Inantay kong magsalita siya—sagutin niya ang mga mala-gerang tanong ko sa loob ng isip ko. Ang sama ng loob ko kay Sir Kevin. Kung kelan nahulog na ako, umasa, saka naman naiwanan ako sa ere.
     Marami na rin naman akong naging boy friend. Karamihan doon ay hindi naman seryoso. Kaya unang beses kong naramdaman ang ganito. Eto na yata ang ganti sa akin ng buhay.
     “Ako ang may problema, Jasmin. Hindi ikaw.”
     Ha! Lumang linya na ito sa pelikula. “So bakla ka nga?”
     “Hindi ganoon. Hindi lang ako sigurado sa nararamdaman ko. Maganda ka, matalino. You have been the ideal girl for me, pero you don’t deserve a guy like me.” Namumula na rin ang mga mata niya.
     Hindi na ako makasagot. Nanigas ang dila ko.
     “Isipin mo na lang na hindi mo ako nakilala. Kunwari di ako nagtext sa’yo.”
     “Easier said than done!” agad akong nag-walk-out. Dinukot ko ang panyo ko sa aking bulsa at nagpunas ng luha.
     How can he say those things to me? Pa’no ako magkukunwaring di ko siya nakilala?

     __________________________________________________________________

     Mahirap maging di sigurado. Mahirap na puro siguro at sana lang ang nararamdaman. Mahirap tumaya. Paano kung matalo? Risks are dangerous.
     Ako si Kevin. Advertising Manager ako sa kumpanya ng Tito ko. Simula ng bata pa ako, maraming nang inaahasan sa akin ang pamilya ko. Lahat ng gagawin ko ay dapat sigurado. Gagawin ko nang walang alinglangan. Dapat lagi ay may 90 to 100 percent certainty. Pero sa kabila ng lahat, hindi ako sigurado sa sarili ko. Lalaki ako, pero di ako sigurado ako kung lalaki pa nga ba ako. I'm in a dilemna.
     Wala akong masabihan. Natatakot ako, dahil ayaw kong mabalewala ang mga inaasahan sa akin ng aking pamilya. Ayoko namang maging ganito. Gusto ko ng normal na buhay. Gusto kong magmahal ng normal—magmahal ng isang babae dahil ako ay isang lalaki. Isang pagpapala na yata sa akin ang pagdating ni Jasmin sa aming opisina, sa aking buhay.
     Maganda si Jasmin. Matalino, sopistikada. Nasa kanya ang hahanapin ng isang lalaki bilang isang trophy girlfriend.Noong una, inaamin ko, gusto kong ligawan si Jasmin para masubukan ang aking sarili. Kung kakayanin kong gawin ang ginagawa ng normal na lalaki—ang manligaw.
     Humanap ako ng tyempo, pero hindi ako makatagpo ng pagkakataon para magpapansin. Natatakot rin naman ako makasakit ng tao. Kahit papano ay may kabutihan at konsiderasyon na man sa puso ko.
    Isang buwan ang lumipas. Pasulyap-sulyap lang ako kay Jasmin. Habang tumatagal ay lalong siyang gumaganda sa paningin ko. May kung ano sa dibdib ko kapag nakikita ko siyang ngumingiti. Dumaan pa ang isa pang buwan. Unti-unting nagbago ang motibo ko kung bakit ko siya liligawan. Gusto ko na siya. Di ko mapaliwanag pero gusto ko nga yata siya.
     Nagdadalawang isip ako kung itutuloy ko ang panliligaw. Para kasing mas di ko kayang manligaw ngayon kesa noong nakaraang dalawang buwan. Bahala na!
    Nilapitan ko ang isa niyang kaibigan. Hiningi ko ang number ni Jasmin. "Mag-so-sorry lang ako sa kanya." Yan ang parang tanga kong rason. Simula noon, lagi na kaming nagtetext. Hindi ko pa rin siya malapitan ng personal pero masaya ako. Masaya ako dahil kahit papaano ay nakakausap ko siya.
    Nag-ipon ako ng lakas ng loob para yayain siyang lumabas, manood ng sine at kumain sa restaurant. Iniisip kong di siya papayag. Handa na kong mabigo. Pero laking tuwa ko noong pumayag siya. Dahil doon pinaghandaan ko pa lalo ang gabing iyon. Nasundan pa nga ang mga iyon ng iba pang dates.
     Masaya na ako. Normal na nga akong lalaki. May minamahal na akong babae. May isang tao na akong dahilan para ngumiti araw-araw, isang taong proprotektahan. Kaso sadyang parang multong bumalik ang nakaraang ako.
     Nang pauwi na ako mula sa aming date ni Jasmin, dumaan muna ako sa malapit na convenience store para bumili ng kape. Doon narinig ko ang dalawang lalaking nag-uusap at nagtatawanan. Mga empleyado sa aming opisina.
      "Talaga? Nagde-date sila? Sila na ba, Dude?"
     "Ewan ko nga, e. Pero kanina nga inaasar ulit namin si Jasmin tungkol dun sa lalaki. Sabi namin baka maging KC Concepcion siya, kasi nga mala-Piolo Pascual yung lalaki."
      Nagtawanan sila palabas ng convenience store. Hindi nila ako napansin.
    Umuwi akong iniisip ang mga narinig ko. Bading pa rin ang tingin nila sa akin. Tama sila. Baka masaktan ko rin si Jasmin. Ayokong masaktan ng todo si Jasmin. Kailangang itigil ko na ang mga panunuyo ko sa kanya.
    Simula noon, hindi ko na tini-text o nire-reply-an si Jasmin. Lalayo ako, hanggang sa umabot ang panahong parang di rin kami nagkakilala. Nagsisisi ako kung bakit ko pa nga ba siya niligawan. Kung ano ako, hindi ko na talaga mababago.
     “Bakla ka ba?” Tanong ni Jasmin sa akin. Hinarap niya ako na mangiyak-ngiyak. Di ako makatingin sa kanya. 
     “Alam mo bang iniisip kong ginamit mo lang ako para sabihin mong lalaki ka sa mga kakilala mo. Masabi mo lang na kaya mong manligaw ng babae.” Totoo naman. Iyon naman talaga ang motibo ko noong una.
     “Ako ang may problema, Jasmin. Hindi ikaw.” Hindi ko na alam kung ano nga ba ang dapat sabihin ko sa kanya para matapos na ito.
     “So bakla ka nga?”
     “Hindi ganoon. Hindi lang ako sigurado sa nararamdaman ko. Maganda ka, matalino. You have been the ideal girl for me, pero you don’t deserve a guy like me.” Kailangan kong protektahan ang sarili ko kaya ganito ang nasagot ko.
      Umalis siya. Nasaktan ko siya. Pero mas mabuti na iyon kaysa maging kami at doon ko siya masaktan.
      Hindi ako sigurado sa sarili ko. Pero sigurado ako sa nararamdaman ko para kay Jasmin. Sa lahat ng bagay na sigurado ako, bakit ang pagmamahal ko lang kay Jasmin ang maraming siguro at sana?

Monday, March 19, 2012

SANA kung TOTOO


     Antayin kita mamaya sa labas.
     Text sa akin ni Sir Kevin.

     Tatlong buwan na ako sa trabaho. Maliban sa gusto ko na ang trabaho dito, may isa pang rason kung bakit ako masipag na pumapasok—si Sir Kevin.
     Halos araw-araw dumadaan si Sir Kevin sa aking work station. Halos araw-araw rin akong lihim na kinikilig. Sa totoo lang, nahalata na rin ng mga katrabaho ko ang paghanga ko sa aming boss.
     “Jasmin, si Sir Kevin o,” sabi ni  Ivan, isa sa mga trabaho ko.
     “Asan?” Tumingin tingin ako sa paligid.
     Humalakhak si Ivan. “Uy! Hinanap nya talaga.” Biro lang pala iyon. At nahulog ako sa bitag ng number one alaskador ng bayan.
     Minsan nga daw nahuli rin ni Janine na tinitingnan din ako ni Sir Kevin. ‘Yung tipong tinatanaw daw muna kung naroon ako sa kwarto bago siya papasok. Siyempre kinilig naman ako sa balita ni Janine. Hanggang sa isang araw ay may natanggap akong text galing sa isang cellphone number na di ko kilala.
     Hi
     Agad akong nag-reply. Hello po. Sino po sila?
     Ah. Katrabaho mo po ito. Kevin Uy.
     Kinilig ako. Tinext ako ng crush ko. May sasaya pa ba  sa akin? San mo po nakuha ang number ko?
     Sorry po sa abala. Itinanong ko sa kaibigan mo. Janine yata ang name nya.
     Bakit ka po nagtext?
     Gusto ko lang magsorry about dun sa pagkabangga ko sayo noon.
     Huh? Yun lang? Ay wala yun. Eto naman. Tagal na nun a.
    
     Nag-usap kami sa text hanggang sa nakatulog ako. Simula noon nagtetext na kami sa isa’t isa, pero hindi niya pa rin ako malapitan ng personal. Nahihiya pa rin siguro siya.
     Naikwento ko rin kila Nikko at Janine na nagkakatext kami ni Sir Kevin. Wala pang isang araw ay nalaman na rin ng buong opisina ang tungkol sa amin ni Sir Kevin. Balibalita na nanliligaw si Sir Kevin sa akin.
     “Ang haba ng hair mo, ‘te,” kantyaw sa akin ni Nikko.
     “I’m happy for you, Jasmin. Sana tuloy tuloy na yan,” sabi ni Janine.
     “Sana totoo kamo,” banat ni Ivan. Nagtawanan sila.
     “Sana nga, friend, di ka matulad kay KC Concepcion,” kantyaw pa lalo ni Nikko.
     “Uy, timigil na nga kayo,” awat ni Janine.
     “Tapos sasabihin mo rin, Jasmin, kay Tito Boy: ‘Di ako ang hanap niya’,” ang di napigilang dugtong na pang-aasar ni Ivan.
     “Gusto ka lang nun kulutin o di kaya ay make-up-an.” Nagtawanan ulit sila.
     Tahimik lang ako. Pinipilit na ipagtatanggol sa isip ko si Sir Kevin. Hanggang tumunog ang cellphone ko.
     Antayin kita mamaya sa labas. Text ni Sir Kevin. Inimbitahan nya akong manood ng sine at kumain sa labas. Parang kiniliti ulit ang puso ko sa text niya.

     ________________________________________________________________

     Dalawang araw nang di nagtetext si Sir Kevin sa akin. Hindi siya nagre-reply sa mga text ko. Matapos noong pangatlong beses naming lumabas, hindi na siya nagparamdam. Bihira na rin siyang pumunta o dumaan sa aming kwarto.
     “Friend, ayos ka lang?” tanong ni Janine.
     “Oo naman.” Mukhang di nakumbinse si Janine sa sagot ko, pero tumigil na siyang magtanong.
     “Ayos lang yan, Girl. At least habang maaga pa e nalaman mong he’s not worthy of it,” sabi ni Nikko.
     “Napagtanto na nga niya sigurong bading siya.” Pilit kong pinapatawa ang sarili ko.
     Napaglaruan ba ako? Ginamit? Umasa ako. Nagpaka-tanga, pero iniwan niya ako sa ere.



ITUTULOY...

Saturday, March 17, 2012

di SANA TOTOO


     Marami nga daw ang nagiging tanga pagdating sa pag-ibig. Kahit mayroon kang I.Q. na 100, di ka papalagpasin. Mararanasan mong magpakatanga sa pag-ibig… parang ako.
     Ako si Jasmin. Galing ako sa may kayang pamilya. Noong limang taong gulang pa lamang ako, namatay na ang aking Papa. Dalawang taon pagkatapos noon nag-asawa muli ang aking Mama ng isang negosyanteng Tsinoy. Nagkaroon ako ng magandang buhay. Nagtapos ng Cum laude sa isang kilalang private school. Nakilala rin ako bilang campus crush noong high school at college. Hindi raw maikakaila ang aking talino’t ganda. Pero isa pa rin ako sa libo-libong nagpakatanga sa pag-ibig.

     ____________________________________________________________


     Unang araw ko sa trabaho. Kinakabahan ako noon sa pagpasok sa building ng kumpanyang papasukan ko. Una kong trabaho kaya kabado pa ako. Ang Step-dad ko ang nag-refer sa akin sa may-ari. Tsinoy rin kasi ang may-ari ng kumpanya.
     Pagdating ko sa 3rd floor ng building, nagtinginan ang mga tao sa akin. Lalo akong na-conscious. Lumapit ako sa lalaking naka-short-sleeve barong at nagtanong kung nasaan ang opisina ng HR. Itinuro ng lalaki ang opisinang nasa kaliwa at bukas nang bahagya ang pinto.
     Habang naglalakad ako papunta sa opisina, napansin kong pinagtitinginan ako ng mga tao. Yumuko ako, naghalo ang kaba, takot at hiya.
     Nang… Bogg!!!
     Nagkalat ang mga papel sa lapag. Kamuntik na akong matumba kung hindi lang dahil sa maagap niyang paghila sa aking kamay.
     “Miss, sorry!” Binitawan niya ang kamay ko at agad dinampot ang mga nagkalat na papeles. “Sorry talaga. Nagmamadali kasi ako…”
     Di ko siya tinitingnan dala ng hiya. Tinulungan ko siyang kunin ‘yung mga papel. “Ah wala yun. Ako nga itong dapat mag-sorry.”
     Iniabot ko sa kanya ang tatlong papel na nakuha ko. Tiningnan ko siya. At sa pag-tingin ko sa kanya ay para bang tumigil ang mundo ko. Maputi siya. Chinito. Malalim ang mga dimples sa magkabilang pisngi. Matangos ang ilong. Elegante. In short, gwapo.
     Bumilis ang tibok ng puso ko. Naramdaman kong nag-init ang aking tenga at namula ang aking mukha.
     Tumayo siya. Mas matangkad siya. Inilagay ang mga nahulog na papel sa folder at inipit sa kanyang braso. “Salamat at sorry ulit.” Ngumiti siya. Ang cute ng ngiti niya. Nakakalusaw. Dali-dali siyang umalis.
     Di man lang kami nagkakilala. Dalawang minuto rin yata akong nakatayo sa pasilyo. Hinahawakan malapit sa dibdib ang kamay na nahawakan niya. Iniisip ang mukhang nagpatibok nang ganoon sa aking puso.

     ______________________________________________________________

     Kevin Uy. Advertising Manager. Siya iyong nabangga ko noong unang araw ko sa trabaho. Naka isang linggo palang ako pero marami na akong nalaman tungkol sa kanya. Ang tinapos niya, alma mater niya, address niya, at pati ang schedule ng kanyang pagpasok sa trabaho.
     Pasalamat ako sa mga naging kaibigan ko sa opisina: si Nikko at Janine.
     “Ang dami kayang nagkaka-crush kay Sir Kevin. Crush ko nga rin siya, e," sabi ni Janine noong minsan nagtanong ako tungkol kay Sir Kevin.
     “Hanggang crush lang kayo. Pamangkin kaya siya ng may-ari ng kumpanyang ‘to. Di nyo reach,” banat ni Nikko.
     “Teka!” Ibinaling ulit ni Janine ang atensyon sa akin. “Bakit ba ang dami mong tanong tungkol sa kanya? Siguro crush mo din siya ‘no?” 
     Tumawa si Nikko. “Ha! Crush? Hay naku! Bading kaya iyon. Di kayo talo, girl. Wag na umasa.”
     “Bading? Mukhang di naman,” pagtatanggol ko kay Sir Kevin. “At saka wala namang masama kung humahanga lang.” Alam kong namula ang mukha ko habang nagsasalita.
     “Pa’no mo naman nasabing bading siya?” tanong ni Janine kay Nikko.
     “Nag-aalarm kaya ang bakla-o-meter ko every time na nandiyan siya. I can sense it. Ka-federasyon siya,” sagot ni Nikko.
     “Sabagay, kilala ng magnanakaw ang kapwa niyang magnanakaw,” biro ni Janine.
     “Che!”
     Nagtawanan kami noon. Pero sa isip ko pilit kong ipinagtatanggol si Sir Kevin. Hindi siya bading. Malinis lang siyang tingnan. Medyo malambot gumalaw, pero ‘di siya bakla.




ITUTULOY...

Tuesday, March 06, 2012

BIRO: ANG PUNCHLINE

     "Kuya, dali! Male-late na tayo!"
     "Oo, nandiyan na!"
     Mabilis na bumaba ang kapatid ni Ivan suot ang paborito nitong blue na backpack. Naiwan si Ivan sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay. Sa huling pagkakataon ay pinagmamasdan niya ang mga haligi, pader at kisame ng bahay na halos sampung taon naging kanlungan ng kanyang pamilya.
     "Marami kang mamimiss sa bahay na ito." Si John. Di namalayan ni Ivan ang pagdating ni Billy at John sa kanilang bahay.
     "Tol, sabihin mo lang kung ayaw mong umalis. Madali lang naman gumawa ng dahilan," sabi ni Billy. Hindi sumagot si Ivan. Alam niya sa kanyang sarili na ayaw niya pang umalis.Mamimiss niya nang todo ang mga bestfriends niya, ang trabaho niya, at lalo na si Janine. Pero dahil nga rin kay Janine kaya siya pumayag na bumalik ng probinsya.
     Simula noong araw na nagparamdam siya kay Janine, nag-iba na ang pakikitungo niya kay Janine. Lalo siyang nahiya kapag malapit siya kay Janine. Natatahimik na siya. Hindi na niya na rin mabiro ang iniibig. Iniiwasan na niya si Janine. Natatakot siyang lalong mahulog pa ang loob niya sa kanya at masaktan lang dahil baka hindi rin maibalik ang pagmamahal na iyon.
     Dalawang araw na ang nakalipas noon, halos mabaliw na si Ivan sa kakaisip kay Janine. Imbes na mawala, lalong tumindi ang nararamdaman ni Ivan para sa kanya. Kaya nagdesisyon siyang sabihin na kay Janine sa harap ng kanilang mga katrabaho ang nararamdaman niya. Ilang energy drink ang naubos niya bago siya lumuhod sa harap ni Janine. “Seryoso ako, Ja. Mahal kita.”
      Di nga yata naiiwasang di masaktan sa pag-ibig. Kasi nung sinabi ni Janine na di pa siya ready, nadurog na parang chalk ang puso ni Ivan. Nasaktan siya ng todo. Hindi siya pumasok  ng isang araw sa opisina at sa muli niyang pagpasok dala na niya ang resignation letter niya. HIndi na nga siya ang dating Ivan. Wala na siyang mukhang maihaharap sa kanilang opisina.
     "Kuya!" Tawag ulit ng makulit niyang kapatid. "Bilis na!"
     Kinuha ni Ivan ang maleta niya sa may upuan at niyaya niya si Billy at John palabas ng bahay.
     "Paano ba yan, Bro? Mukhang di ka na mapipigilang umalis," sabi ni John habang pababa sila ng hagdan.
     "Ivan, huwag mo kaming iwan. Paano na kaming mga anak mo?" pagbibiro ni Billy. 
     "Baliw!" sagot ni Ivan. Kung hindi dahil din sa pagbibiro ni Billy, baka naiyak na si Ivan.
     Nag-aantay na sa labas ng bahay ang taxi papuntang domestic airport. Naroon na rin sa taxi ang kanyang ina at naglalagay ng mga bagahe nila ang kanilang ama sa likod ng sasakyan katulong ang driver. Naabutan pa niyang pasakay ang kanyang kapatid sa taxi. Nagpaalam na siya sa mga kaibigan at nangakong di sila kakalimutan kahit nasa malayong lugar na siya.
     "Ready ka na?" tanong ng kanyang ama.
     "Opo."
     "Edi tara na!"
          ______________________________________________________________

     "Mama, para po!"
     Bumaba ng jeep si Janine. Kinuha ang cellphone sa bag at saka nag-dial ng numero. Naluluha siyang tumawag sa cellphone ni Ivan habang naglalakad sa gilid ng daan. Sana maabutan ko pa siya.
     The number you dial is out of reach. Please try again later.
      Tinext niya si Ivan kanina. Antayin mo ako. Pero malamang na hindi natanggap ito ni Ivan.
     Nagsisisi si Janine sa sagot niya noon kay Ivan. Noon pa man ay may nararamdaman siya para sa katrabaho. Pasalamat siya kay Tonette kasi siya ang nagpa-realize sa kanya tungkol sa real feelings niya para kay Ivan. NBSB siya kaya bagong bago para kanya ang nararamdaman. Sa mga nagdaang araw na iniiwasan siya ni Ivan, nakaramdam siya ng inis--isang di mapaliwanag na pagkainis.
     Kaninang umaga niya lang nalaman na nag-resign na pala si Ivan sa trabaho at paalis na siya papuntang Davao. Aalis siya nang di niya alam ang tunay kong sagot.
     Nag-ring ang kanyang phone. "Hello?"
     "Hello, Ja. Nasaan ka na?" Si John.
     "Papunta na diyan."
     "Wala na rito si Ivan. Kakaalis pa lang," sabi ni John. Naririnig ni Janine ang boses ni Billy sa kabilang linya. "Sabihin mo na sa airport na lang siya pumunta." 
     Paano kung di ko na siya maabutan?
     "Hello, Ja. Nandian ka pa ba?"
     "Didiretso na akong airport. Salamat"
     Antayin mo ako, Van. Maabutan lang kita, isang malakas na hampas ang matitikman mo. Van, seryoso rin ako. Mahal kita.

Friday, March 02, 2012

BIRO: ANG KWENTO



     Akala ni John ay biruan lamang ng lahat. ‘Yun pala ay may laman na ang bawat banat ng kaibigang si Ivan kay Janine. Na-develop na ang pasaway!
     Ang alam niya ay nakikiuso lamang si Ivan sa mga pick-up lines at si Janine ang babaeng ginawang “subject” nito. Si Janine kasi ang klase ng taong medaling sumakay sa trip at biro ng iba. Walang kaalam-alam ang buo nilang opisina sa tinatagong damdamin ni Ivan para kay Janine.
     Hindi pa nababalitaan ni John na na-in-love ang kanyang Joker na kaibigan. Seryoso pala ito pagdating sa pag-ibig, as in dead serious. Dalawang araw nang di normal si Ivan… tahimik, bihira na magbiro at laging malalim ang iniisip.
     Nagulat na lang sila John noong biglang binigyan ni Ivan si Janine ng roses at nagsabing…
     “Seryoso ako, Ja.” Sabay luhod, “Mahal kita.”
     Umulan ng kantyaw noon. Napanganga si John at Billy. Naghalong pula at itim ang mukha ni Ivan pero aninag sa maluha-luhang mata niya ang pagiging sincere. Samantalang si Janine ay nagtakip ng mukha, nahihiya.
     “Sagot naman diyan!” sigaw kay Janine ni Nikko, ang makulit nilang katrabaho. Lalong dumami ang kantyaw ng mga tao sa kanila. Napuno ng “uyyy” at “ayee” ang pormal nilang opisina.
     “Uy, Van! Tumayo ka na diyan, please!” pakiusap ni Janine. Di pa rin tumayo si Ivan. Nakatitig lang siya kay Janine, nag-aantay. Pilit siyang hinihila ni Janine pataas.
     “Sagot!” kantyaw pa ng mga katrabaho.
     “Van, alam mo namang di pa ako ready. Ayoko pa. kaya tumayo ka na, please!” Isang malakas na sabi ni Janine.
     Natahimik ang mga tao sa paligid. Kahit nga si John ay lalong napanganga sa narinig. Tinignan agad ni John ang kaibigan na nanlumo sa narinig. Dali-daling lumabas si Janine ng opisina. Naiwan si Ivan at ang buong opisina.
     Matapos ng pangyayaring iyon, nag-half day si Ivan. Di na nakausap ni John ang kaibigan. Tinext niya ito pero walang sagot. Sinubukan na rin ni Billy na tawagan si Ivan pero patay ang cellphone nito. Lalong nag-aalala si John para sa kaibigan.
     Ok lng ako mga dude
     Text ni Ivan. Sana nga ay okay talaga siya.
                       ____________________________________________________________________

     “Ano ka ba, Ja! Ang tanga mo talaga!”
     “Oo na! Ako na itong si tanga.”
     Hindi maisip ni Tonette ang tamang salita na maitatawag sa kaibigan niyang si Janine. Kung ako siya, nasunggaban ko na si Ivan, isip ni Tonette.
     “Aminin mo nga sa akin, Ja. Ayaw mo ba talaga si Ivan?”
     “Ewan ko.”
     “Ewan?! Sampal gusto mo?”
     “Tonette naman kasi!”
     Nang umuwi si Janine kanina, si Tonette agad ang hinanap nito. Namumula niyang ikinuwento ang tungkol kay Ivan.
     Si Ivan. Siya ang lalaking nagpapakilig ng todo kay Janine. Kahit korny at cheesy ‘yung mga lines na ikinukwento niya, todo sa kilig pa rin si Janine sa tuwing magkukuwento.
      Agad niyang ikinuwento ang mga nangyari sa kanilang opisina: ang mga ginawa at sinabi ni Ivan sa kanya, pati na rin ang mga reaksyon ng mga katrabaho nila. Sinabi niya rin ang mga nagging reaksyon niya.
     “Friend, di talaga kita gets. Napahiya na ang tao sa harap ng madla, still you have refused him? Sus!”
     “E kasi—“ Naputol ang sasabihin ni Janine. Agad itong sumimangot at nag-isip. “Hindi ko naman talaga siya ni-refuse.”
     “Ay ewan ko sa’yo, friend.” Sabay walk-out si Tonette.
     Iniwan ni Tonette si Janine sa sala ng kanilang boardinghouse. Alam niyang confused lang si Janine sa mga nangyayari. Pero hanggang kalian? Kalian kaya niya aamining in-love na rin siya?

                                                                                                                             ITUTULOY...