Thursday, June 28, 2012

Palimos po!

Habang ako ay nakasakay sa jeep, nahinto ang sinasakyan namin sa isang intersection. May biglang sumakay na batang babae, about 4 to 5 years old, na may cleft palate. Nakasuot siya ng gold dress na parehas sa mga isinusuot sa mga rebulto ni Sto. Niño.

Kasunod niya ang isang balbon na lalake na nasa middle 30's na. Nakasuot ito ng kupas na T-shirt, tatttered shorts, ordinaryong slippers, straw hat at belt bag. Kung titignan ang lalake, kayang kaya naman nito ang magtrabaho, kahit sa construction, repair shop or even as kargador. Maayos naman ang kanyang pangangatawan at halatang malakas pa naman.

Sa totoo lang, nagambala na ng presensya ng dalawa ang tahimik kong isipan. Kadalasan kasi ay nag-zo-zone out ako o di kaya'y kusa kong binablangko ang utak ko sa biyahe. Sa pagkakataong ito, parang may bombang sumabog sa utak ko at nagkagulo ang lahat ng neurons sa brain ko.

Habang namimigay ng mga putting short envelop ang lalaki, pumunta sa bandang unahan ang bata. Huminto ang bata sa harap ko (nasa likod lang ako ng driver nakaupo), tumingin sa akin, sumandal at inilahad ang maliit na kamay sa akin. Umiling ako. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay pinag-iisipan ko pa kung tama ba ang naging response ko sa bata. Lumipat ang bata sa katabi kong kabataang babae. Agad naman dumukot ng barya ito sa kanyang coin purse.

Ang dating simpleng gulo ng mga neurons sa utak ko ay naging gera na. Imbes kasi na awa ang naramdaman ko (katulad ng ibang pasahero ng jeep), inis ang aking naramdaman. Nainis ako, hindi sa bata, kundi sa nakita ko. Nag-ingay ng husto ang isipan ko.

Natapos nang ipamigay ng lalaki ang mga envelop na dala niya (buti na lang kamo at hindi na ako nabigyan) at sinamahan na niya ang bata sa harapan. Ipinuwesto niya ang bata sa kanyang harapan habang siya ay naka-squat. Tipong puon ang bata at ang lalaki ang propeta at taga-pag-alaga ng puon na nagsasabing, “Tayo po'y magbigay sa mahal na Sto. Niño”. Ang mga pasahero naman, dala ng awa, ay dudukot sa mga pitaka at coin purse at magbibigay sa “puon”. Ganoon ang eksena.

Sa mga oras na iyon ay gusto ko nang sumigaw. Gusto kong sabihin ang lahat ng nasa isip ko. Gusto kong tanungin ang lalake. Gusto kong usisain kung anak nya ba ang bata... kung bakit siya namamalimos... kung bakit hindi na lang siya maghanap ng trabaho kesa mag-abang ng jeep sa buong araw para may paglilimusan... kung bakit kailangan niya pang gamitin ang bata...

Tayo, bilang nakatatanda, ay tinitignan at ginagaya ng mga bata. Sa murang isipan nila, ang lahat ng nakikita nila ay magiging pamantayan nila hanggang sa sila ay maging uugod-ugod na. Sa totoo lang, sinira na ng lalaki ang kinabukasan ng bata. Imbes na ipakita at turuan niya ang bata ng tamang gawi, ipinakita niya sa bata na ang paglilimos lang ang tanging paraan para sila mabuhay. Isipin na lang natin kung lahat ng magulang o nakatatanda ay ganito ang itinuturo sa mga bata. Magiging batugan at palaasa ang susunod na henerasyon. Ganito ba ang gusto nating mangyari? Magisnan ng mga bata ang pagiging “parasite” (pala-asa sana ang gagamitin kong salita pero mas mabibigyan ko ng diin ang sinasabi ko kung gagamitin ko ito)?

Naglagay ng mga pera ang mga pasahero sa sobre ng lalake. Kinuha niya ang mga ito at bumaba na ng jeep. Kalong-kalong niya ang bata. Bago pa man sila makababa ng jeep, isang tanong ang nabuo uli sa aking isipan... Ganito niya ba mamahalin ang bata?

Sa buong eksena, naka-tikom ang bibig ko. Hindi kong nagawang ibuka ang mga labi ko. Hindi ako nakapagtanong o nakalabas ng kahit anumang nasa sa loob ko. Wala ako sa posisyon para maghusga. Kung meron man akong reklamo sa aking nakita, wala naman akong magagawa ni maitutulong sa lalake at lalo na sa bata. Itinikom ko lang ang bibig ko. Hindi pa rin matapos ang pagtatalo ng isipan ko, magpahanggang ngayon.

Tuesday, June 26, 2012

Facing My Giant

Everyone has something to be feared of. I have mine.

It is not the loss of the humanity of a person nor the manliness of a man to have fear on their hearts. It is but normal to have fears. A man who said to be fearless is a misnomer for the man itself.

Normally, fears are man's weaknesses. It is a voracious eater of dreams, hopes, faith, and trust. Fears are giants that overwhelm their masters. It is the darkness of every personality--the villain of the soul.

Fear sometimes can also be man's strength. It can gives man his vigor to survive, endure, and  surpass the tempest. Man's fear of death, for example, enable him to evolve self-preservation instincts, allowing him to protect himself from harm.

Being courageous is not being fearless. Being courageous is the fear of being overcome by fear. Bravery is the drive to face any fear you have and the guts to over-power that fear.

I have fear. But I'm afraid of losing to that fear. Time to face those giants.

Wednesday, June 06, 2012

Silip sa Diary ni Ms. Purple


Nov. 17, 2008
Nagkaroon kami ngayon nang relief good operation.Masaya at malungkot. Malungkot kasi nakita ko ang mga lagay ng ilan sa mga kababayan ko na nasalanta ng bagyo. Malaking dagok iyon sa mga buhay nila. Masaya kasi kahit papano ay nakatulong ako. May nagawa ako kahit maliit na bagay para maghatid ng konting tulong. Natuwa ako sa bawat ngiti na nakita ko sa mga bata na nabigyan ko ng isang supot ng noodles at canned goods.
Siya nga pala, may nakilala akong isang interesateng lalaki kanina. John ang name niya. Kasama siya sa mga nag-volunteer para sa activity ng CCC. Pero sa tingin ko napilitan lang talaga siya na sumama. Nakita ko siya una sa labas ng mini-bus. Halata mong nababagot siya. Kaya ayon, nilapitan ko. Masaya rin naman siyang kausap. Lagi pa nga siyang nabubulol at natataranta.Nakakatuwa siyang tao. Sana makita ko pa ulit siya. Alam kong magkikita pa uli kami. Parehas lang naman kami ng campus, e.

Nov. 28, 2008
May stalker raw ako. Hulaan mo kung sino… Si John. ‘Yung ikinuwento ko sayo na interesanteng tao. Nakakatawa di ba?Ako? May stalker?!
Anyway, may mga nalaman akong ilang bagay tungkol sa kanya. Nakakabilib na meron pala talagang tao na nag-eexist na tulad niya. Walang direksyon.Pariwara.Suplado.Mabisyo.Pasaway. Naku! Kawawa ang magiging asawa ng taong iyon. Ang tanong nga e kung may magkakagusto ba sa kanya.
But honestly, interesado talaga ako sa kanya. Super amazed ako sa pagkatao niya.

Dec. 4, 2008
Sa wakas nakauwi na rin. Galing ako sa youth fellowship kanina ng CCC. As usual, ang kukulit nila Jime, Krissy, Rox at Art. Tapos dagdagan pa ng iba pang kasama naming sa Bible study.
Ang daming bago naming nakasama kanina. Iyong isa boardmate ni Krissy. Tapos tatlong lalaki na barkada ni Art. At si John na kaklase pala ni Jime noong elementary. Nagulat ako at nandoon si John. Actually, hindi ko siya agad nakilala. Parang iba kasi siya kanina kaysa noong una ko siyang nakita.
At dahil pumunta si John kanina sa fellowship, noong nag-uwian na ay panay na ang kantyaw nila Krissy sa akin ng tungkol kay John. Masugid ko raw siyang stalker. And dami kong tawa.

Dec. 11, 2008
Hinanap daw ako ni John kanina sa fellowship, sabi ni Krissy. Kailangan niya pa akong tawagan sa telepono para sabihin lang iyon. ‘Yun tuloy… napagkamalang may boyfriend na ako ng mga tito ko. Siyempre todo ako sa tanggi. Ayoko pa naman magka-boyfriend. Darating ako dun pero di pa ngayon o bukas o sa makalawa o sa susunod na buwan. Basta malayo pa.

Jan. 20, 2009
"Masakit man malaman pero iyon ang totoo."
Pang-FAMAS ang drama ko kanina. Kailangan ko nang sabihin dun kay Rico na tigilan na niya ang panliligaw niya sa akin. Noong isang araw naman, sinabihan ko na rin si Enzo na tigilan na rin ang panliligaw.
Medyo nakakainis na rin kasi ang kakulitan nila. At saka ayoko silang paasahin. Ayoko pang mag-boyfriend. Ang hirap ba nung intindihin?!
Isa na lang ang di ko pa nasasabihan. Si John. Hindi naman talaga siya nanliligaw sa akin pero halata naman na may gusto siya sa akin. Pero lately parang tumigil na rin naman siya sa pagpaparamdam.
Hay!!! Secret lang natin ito ah. Pero gusto ko ulit makita ang interesanteng taong iyon.

March 9, 2009
May nabalitaan ako. Habang naglalakad ako sa campus, nadaan ako sa bulletin board ng Business Studies. Napatingin ako sa listahan ng mga top notcher sa latest exam ng mga third year. Nakita ko doon sa number one ang pangalan ni John. “Ballesteros, John Bernardo”. Iyon ang nakalagay roon. Natuwa ako sobra. Ewan ko kung bakit ako natuwa ng sobra. Alam kong di naman masama kung natuwa lang ako. Pero natuwa ako ng sobra na para ako yung naka-top.
Tumanaw-tanaw ako sa paligid. Baka nandoon si John. Babatiin ko sana ng personal pero konti na lang ang tao. Siguradong nakauwi na siya. Kaya nagsulat ako sa papel ng “congrats” sa tabi ng pangalan ni John. Buti na lang at walang nakakita. Pasaway lang.

March 23, 2010
Nakakapagod ang practice sa graduation. Mainit pa.  Pero wala talaga sa practice ang isip ko kanina.
Kanina kasi, napansin kong papalapit sa akin si John B. Ballesteros. Yung interesanteng tao. Medyo namumutla siya pero napansin kong gwapo talaga siya. Malaki na ang ipinagbago niya simula noong una ko siyang nakilala. Balita ko vice president siya ng Lingkod Kapwa at naging consistent dean’s lister simula noong second sem ng third year kami. Medyo nawala na ang suplado niyang aura. Nakakainggit ang magiging girlfriend niya. Pero hanggang ngayon wala pa rin daw siyang girlfriend. Torpe daw siya sabi ng mga kaklase ko.
Mabalik ako. Nung tumingin ako at ngumiti, dali-dali siyang tumalikod at bumalik sa pila nila. Alam ko may sasabihin siya. Pero bakit siya umurong? Simula noon, iniiwasan na niya ang mga tingin ko buong practice. Hay!!!

August 5, 2011
May nakilala akong guy. Jun ang name. Hmmm. Naalala ko sa kanya yung interesanteng tao na nakilala ko noong college. Si John. Nasaan na kaya siya? San kaya siya nagtratrabaho? May girlfriend na kaya siya?

Feb 12, 2012
Malapit na ang Valentine’s day. As usual wala akong date. Di pa rin na-bre-break ang NBSB record ko. Sa totoo lang, sa mga nagdaang Valentines may isang tao lang ang gusto kong makasama. Yung interesanteng tao na iyon. Sana makita ko ulit siya.

Monday, June 04, 2012

Ms. Purple 4


 “Ang tindi ng araw na ‘to! Nagutom tuloy ako,” sunggab ni Billy sa burger.

Kalalagay palang ni John ang tray ng burger at fries sa kanilang mesa, ngunit sing-bilis ng pusang-gala si Billy sa pagkuha ng pagkain. Halatang gutom si Billy. Matapos nilang malaman ang pagkabigong maabutan ni Janine si Ivan, halos isa’t kalahating kilometro rin yata ang nalakad nila na walang direksyon o maayos na patutunguhan. Nang maramdaman na nila ang pagod, agad ng nagyaya si Billy na kumain sa malapit na fastfood chain.

“Parang pelikula lang ang araw na ito,” pagpapatuloy ni Billy na magsalita, salitan ang pagnguya at pagsasalita, “May umalis na kaibigan, mga nagkarambolang sasakyan, nagkahiwalay na nagmamahalan, magulong riot ng mga nagra-rally at mga pulis, mahabang trapik at mala-impiyernong init.” Lumunok si Billy at saka uminom ng softdrinks. Nakatitig lang si John  sa kaibigan, patuloy na iniisip ang mga nangyari ngayong araw. “Hanep, Dude!” huling nasabi ni Billy.

__________________________________________________________________________

Huling linggo na nila John sa college. Ilang araw na lamang ay magtatapos na sila. Nagbalik muli si John sa pagplaplano na sabihin kay Mae a.k.a. Ms. Purple ang kanyang nararamdaman. Sa nagdaang dalawang taon, pinilit ni John na maging bagay siya para kay Ms. Purple.

Noong dati, pabaya si John sa pag-aaral. Ayos na sa kanya ang pumasa. Kalagian pa ngang hindi siya pumapasok sa ilang mga subjects niya. Kung hindi rin dahil kay Ivan, walang maipapasang projects o di kaya assignments si John.

Ngunit nag-iba ang pananaw niya para lang kay Ms. Purple. Matalino naman talaga si John.Tinamad lamang siya at nawalan ng rason at direksyon. Nag-aral siya ng mabuti at sa dalawang taon na iyon ay nakabawi siya sa mga grado niya. Laking gulat nila Ivan at sampu ng kanyang mga propesor sa malaking pagbabago ni John. Sayang na nga lang at hindi inayos ni John ang kanyang mga grado simula pa noong unang taon niya, kundi magtatapos sana siya ng cum laude.

Isa pa sa mga malaking pagbabago ni John ay ang pag-iwan niya sa kanyang mga bisyo. Dati-rati ay siya ang nag-yayaya na mag-inuman sila nila Billy at Ivan. Halos linggu-linggo nga siya noonna lasing o di kaya may hang-over na papasok sa eskuwelahan. Ngayon ay bihira namakita ni Ivan na umiinom si John. Hindi na rin siya ang dating takaw-inom-hanggang-malasing.

Nahirapan man siya pero naalis niya rin ang pagsisisgarilyo niya. Grade six pa lang siya ay marunong na siyang manigarilyo at pagtungtong niya ng kolehiyo ay lumala pa ang bisyo niyang ito. Ngayon, ayaw na niyang magsindi kahit ng isang stick ng sigarilyo. Ang ibang barkada ni John ay namangha sa pagbabagong ito.

Naging mabait na rin si John sa mga bata at maginoo sa mga babae. Sumali siya sa Lingkod Kapwa, isang organisasyon na nagngunguna sa mga charity works at pagtatanggol sa mga naaapi. Di man makapaniwala ang mga magulang at mga kapatid ni John ay laking pasasalamat nila sa pagbabagong nakita nila sa kapamilya.

Ang lahat ng ito ay para maging bagay lang siya kay Ms. Purple. Nagbabaka sakali siya na kapag nagbago siya ay may karapatan na siya sa puso niya.Sa muling paghaharap nila ay may ipagmamalaki na siya. Bago pa sila magtapos, kailangan niya nang masabi ang nararamdaman kay Ms. Purple.

Nag-eenssayo sila para sa graduation ceremony. Nakita na agad ni John si Ms. Purple sa di kalayuan. Pagkakita niya muli sa dalaga ay agad nabalot ng kaba at takot ang dibdib ni John. Kakayanin ko kayang masabi sa kanya? Paano kung di niya pa rin ako mapansin?

Umalis sa pila si John. Naglakad palapit kung nasaan si Ms. Purple. Palapit nang palapit. Patindi nang patindi ang kabog sa dibdib ni John. Kausap ni Ms. Purple ang kanyang mga kaibigan. Nagtatawanan sila. Nang biglang napatingin si Ms. Purple sa papalapit na si John. Nagtagpo ang mga tingin nila. Gusto nang umiyak ni John sa kaba at saya. Nanlambot ang tuhod niya. Ngumiti si Ms. Purple sa kanya. Napapikit si John at sabay talikod.Nanginginig ang kanyang mga kamay.Nanlalamig ang mga ito. Nagmamadali siya bumalik sa kanilang pila. Hinang-hina.

Di ko kayang siyang lapitan. Di ko kayang sabihin sa kanya.

__________________________________________________________________________

Tumayo na si John. Sumunod na rin si Billy sa pagtayo. Medyo maraming tao ngayon sa pinagkainan nilang fastfood chain. Nagkakabanggaan ang mga taong papasok at palabas, ang mga oorder at tapos na kumain.

“Oops, Sorry po.” Natabig ni John ang taong nasa likod niya. Lumingon siya para tignan kung nasaktan o naagrabyado niya ang nabangga.

“Okay lang iyon,” nakangiti ang morenang babaeng natabig niya. Maikli ang buhok niya.Kasing-tangkad niya.

Hindi na napigilan ni John ang sarili. Gusto niya man magsalita, wala na siyang mailabas na boses sa bibig niya. Gusto niyang yakapin ang babae, pero nangangatog ang tuhod niya. Naiyak na lang siya.