Hindi mo mapipigilan ang puso na magmahal ng taong di mo aakalaing mamahalin mo. Ilan beses mo man ipilit sa puso na salaing mabuti ang taong iibigin, hindi pa rin ito uubra. Mababalewala lang ang anumang pamantayan na meron ka.
…
Mga isang oras ang biyahe papuntang opisina galing sa bahay namin sa Mandaluyong. Laking pasasalamat ko lang kasi malapit-lapit lang ang nakuha kong trabaho ngayon. Ang una kong trabaho kasi noon ay nasa Rizal pa. Nakakapagod sa biyahe. Nagtagal din naman ako doon nang mga isang taon bago ko naisipan na maghanap ulit ng bagong trabaho. Sa ngayon ay gustong gusto ko ang trabaho ko bilang HR assistant. Mababait naman lahat ng officemates ko lalo na ang mga boss.
“Ay, Manong, diyan na lang po ako sa tabi. Diyan po sa may green na building.” Naging mabilis ang biyahe ko ngayon dahil sa nag-taxi ako. Itinabi ni Manong Driver ang taxi. Dumukot ako ng pera sa wallet ko at saka nagbayad. “Salamat ho, Manong,” nakangiti kong sabi. Bumaba na ako sa taxi dala ang isang makapal na folder at ang aking bag.
“Good morning, Ms. Bait!” bati sa akin ng security guard ng building.
“Magandang umaga rin po, Kuya Rex,” sagot ko na may di mabaling ngiti. Naging ugali ko nang bumati ng may mga ngiti sa labi. Hindi naman talaga ako sanay na makihalubilo sa tao. Introvert nga raw ako. Tahimik. ‘Yung tipong hindi makakabasag ng pinggan. Pero nakatatak na sa isip ko ang maging mabuti ang pakikitungo sa tao. Sabi nga ng golden rule: Don’t do to others what you don’t what others do unto you. Tratratuhin ka rin nila depende sa paano mo sila tinatrato. Kaya dapat sa simula palang ay maayos na dapat ang pakikitungo mo.
Sumakay na ako sa elevator. Mayroon akong dalawang kasabay—si Toto, ang janitor namin, at si Sir Kevin, ang advertising manager namin. Siyempre binate ko sila nang may kasamang ngiti. Ngumiti rin naman sila. Lalo na si Sir Kevin. Ang sarap talaga manghawa ng ngiti. Para ba itong epidemya na masarap ikalat.
Pagdating ko sa aming floor, dumiretso ako sa aming kuwarto. Hindi naman gaano kalakihan ang opisina ng HR, pero kasya naman kaming tatlong empleyado rito. Inilapag ko na ang aking mga gamit sa mesa at binuksan ko na ang aking bag. Dinukot ko ang aking cellphone. Aba’y may nagtext pala.
Mahal, sunduin kita maya after work :)
Galing kay Kiko. Kinilig ako ng todo. Ewan ko ba. Basta kinikilig talaga ako sa tuwing makikita ko si Kiko kahit man lang ang text niya. Ewan ko nga rin ba kung bakit ko siya minahal. Mag-dadalawang buwan na rin naman kami. Halos limang buwan niya rin akong sinuyo. Sa una nag-dalawang isip ako kung sasagutin ko siya. Siya kasi ang taong di ko akalaing mamahalin ko. Wala sa kanya ang mga hinahanap ko sa isang lalaki. Pero iba nga kapag inabot ka na ng love.
…
First time kong gumimik. Hindi ako mahilig gumala at pumunta sa kung saan-saan lalo na sa mga bar na katulad nito. Simula bata pa ako, sinanay ako ni Lolo at Lola na bahay-simbahan-eskuwelahan lang ang destinasyon ko. Kung minsan napapadpad din naman ako sa public library malapit sa munisipyo o di kaya ay sa parke malapit sa bahay namin, ngunit kung mangyari man ito sandali lang at lagi akong may kasamang pinsan o malapit na kaibigan. Lolo at Lola ko ang nagpalaki sa akin. Parehas namatay sa aksidente ang mga magulang ko noong tatlong taong gulang pa lamang ako. Buhat noon pinalaki ako nila Lolo sa medyo makalumang paraan. Kaya hindi ako sanay sa gimikan.
Nagyaya ang mga katrabaho ko na mag-bar. May dalawa kasing bagong empleyado at bilang welcoming party nagkayayaan sa ganoon lugar. Maingay, madilim at medyo nakakatakot sa loob ng bar. Sa totoo nga lang ay gusto ko na rin sana noong umuwi kaso nahihiya ako na umalis. Inisip ko na lang na minsan ko lang mararanasan iyon at para mas makilala ko pa ang mga katrabaho ko kailangan kong makisama.
Umorder ng ‘sang katutak na beer ang mga katrabaho ko. Hindi ako umiinom ng alak kaya umorder na lang ako ng Iced Tea. Nakipapak na rin naman ako ng kanilang pulutan. Maingay sa bar. Halos hindi ko rin naman maintindihan kung ano ang pinagtatawanan ng mga kasama ko. Tahimik lang akong naka-upo. Nagmamasid sa kakaibang mundong nakapaikot sa akin.
“Ms. Ella, tara sayaw tayo!,” yaya sa akin ni Janine, isa sa mga katrabaho ko. Pinapatugtog nang malakas noon ang isa sa pinakasikat na dance remix.
“Ah sige, kayo na lang. Dito na lang ako. Babantayan ko mga gamit ninyo,” nakangiti kong pagtanggi. Sumama na si Janine sa iba pa naming katrabaho sa dance floor. Nakakatuwa silang tignan. Mukha lang silang nagwawala, hindi naman sumasayaw. Iniikot ko pa ang paningin ko. Mayroong mga magbabarkada sa aking kaliwa na panay tawanan at tuksuhan. Malakas na ang tugtog pero litaw pa rin ang kanilang ingay at tawanan. Sa gawing likod ko naman ay may nakita akong magkasintahan na naghahalikan. Diyos ko! Ganito pala rito. Liberated masyado. Sa bandang dulo, nakita ko ang isang lalaki na mag-isang umiinom. Hindi ko maaninag ang mukha ng lalaki kasi bukod sa madilim ay natatakpan ng mahaba niyang buhok at makapal na bigote’t balbas ang kanyang mukha. Nakakatakot siyang tignan. Mukhang terrorista. Kinabahan ako bigla. Naisip ko na baka suicide bomber ang lalaki. Naku po!
Natapos ang tugtog. Nagsibalikan na ang mga kasama ko sa aming table. Pinagmamasdan ko pa rin ang lalaki sa dulo. Sa isip ko plinaplano ko na ang pag-alis. Yayayain ko na ang mga kasama kong umuwi.
“Sayang, Ms. Ella, hindi ka sumama sa dance floor. Ang saya kaya!” sabi ni Billy. Tumingin lang ako at saka ngumiti.
“Oo nga, Ms. Ella. Nandito ka na lang din naman. You must enjoy, right guys?” dugtong naman ni Nikko. Sumagot ng sabay-sabay na “oo nga” ang mga katrabaho ko. Tumango rin ang ilan.
Muling sumilip ako sa kinaroroonan ng lalaki. Wala na siya roon. Kinabahan ako lalo. Hindi kaya…
“Boom!”
Nagulat ako at sabay kong hinanap kung saan nanggaling ang tunog. Napatingin ako sa stage. Nagpalakpakan ang mga tao. Nag-set-up na ang banda. Ang narinig ko pala ay ang ingay ng bass guitar. Natawa ako sa sarili ko. Kung anu-ano kasi ang iniisip ko. Napansin kong ang lalaking may hawak ng bass ay ang lalaking kanina ko pa ring pinagmamasdan—ang lalaking mukhang terrorista.
Tumugtog na ang banda. Nabaling na ulit ang atensyon ko sa mga kasama ko. Pinilit ko nang kalimutan ang mga naisip ko kanina. Masyado naman kasi akong naghinala. Napahiya tuloy ako. Matapos ang pagtugtog ng banda. Nagpasya ang mga kaopisina ko na umuwi na. Kaya bago kami umuwi pumunta muna ako sa comfort room para mag-ayos. Aantayin na lang daw ako ng mga kasama ko sa labas.
Pagkagaling sa rest room, nagmamadali akong naglakad palabas. Inaayos ko pa rin ang bag ko at hinahanap ko ang aking cellphone. Pero bago pa man ako makalabas sa pasilyong papuntang C.R. Nakabangga ako ng tao. Sumimbulat ang lahat ng laman ng bag ko sa lapag. Dali-dali ko rin namang pinulot ang mga nahulog kong mga gamit. Nakita ko na rin sa wakas ang cellphone ko. Kasama rin kasi iyon sa mga nagkalat na gamit ko.
“Sorry, Miss”
Napansin kong meron akong mga katulong sa pagpulot ng aking mga gamit. Nabangga ko pala ang bokalista nung banda at tumulong na magpulot ng mga gamit ko ang mga kasama niyang bandmates. Nagpasalamat ako at agad nang naglakad palabas ng bar.
*Mula sa may-akda: Pagpasensyahan ang sobrang haba ng bahaging ito sa seryeng Wagas. Binalaka kong putulin ito ngunit magkukulang rin ang paglalarawan ko kay Ella. At saka gusto ko lang din banggitin ulit si Sir Kevin mula sa seryeng Sana Totoo. Salamat sa pagbasa.

No comments:
Post a Comment