Sunday, May 19, 2013

Wagas: Ang Text Message


                Mahal, sorry male-late ako. Naipit ako sa trapik. Love u
Sumaglit lang akong tumingin sa cellphone ko para basahin ang text ni Kiko. Nasa kalagitnaan ako ng pag-aayos ng mga forms ng kumpanya. Buti na lang at male-late siya. Matatapos ko pa ang trabahong ito.
                “Nag-aantay na ba si Kiko sa baba?” tanong ni Aileen, kasama ko sa HR. Tumigil na pala ako sa trabaho ko at nakatitig na pala ako sa cellphone ko.
                “Ah! Wala pa. Male-late nga raw siya.” Ibinaba ko na ang aking cellphone at itinuloy ang pag-aayos.
                “Kakakilig naman. Sana, e, nandito rin boyfriend ko nang makapagpahatid-sundo rin ako,” natawang sabi ni Aileen habang ini-istapler ang mga papel sa harap niya. “Maiba ako. Di mo pa nga pala iyan naipapakilala sa akin. ‘Yan si Kiko. Di ba ‘yan ‘yung bokalista nung banda dun sa bar?”
                “Ay hindi! Siya ‘yung bahista,” sagot ko.
                “Ay! Akala ko ‘yan ‘yung bokalista. Di ba mga ganoong tipo ang papasa sa standards mo?”
                Natawa na lang ako.
                “Akalain mong nain-lab ka dun sa mukhang terroristang iyon. Sabagay, love is blind. Tignan mo nalang ako.” Sabay malakas na tumawa si Aileen. Nakitawa na rin ako. Naintindihan ko ang joke niya.
                Hello, nahulog mo kanina sa bar ang calling card mo
                Marami naman nagtext sa akin kagabi noong nakatulog na ako sa sobrang pagod, ngunit itong text na ito ang pinaka kumuha ng atensyon ko.
                Natanggap ko po ang text mo kagabi. Sino po ito? Reply ko. ‘Di ko na inaasahan na sumagot pa siya. Bumangon na ako sa kama, naghilamos at diretso nang nag-asikaso ng sarili bago pumasok sa trabaho.
                Halos na kalimutan ko na ang nagtext na iyon pero noong muling tinignan ko ang aking cellphone matapos kong kumain ng almusal. Ah hello! Kiko po kasama po ako roon sa banda kagabi.
                Banda? Kagabi? ‘Di kaya eto ‘yung nabangga ko kagabi, ‘yung bokalista?
                Ah ganun po ba? Hindi ko alam kung ano pa ang isusunod ko. Bihira lang kasi mangyari sa katulad ko ang ganitong bagay. ‘Di ko alam kung ano ba dapat ang magiging reaksyon ko.
                Nakaka-istorbo na ba ako?
                Ay! Di naman po. :) Palabas na ako ng bahay at nag-aabang na may dumaan na tricycle.
                ‘Wag mo na akong pino-po. Pakiramdam ko tumatanda ako. Ilang taon ka na ba?
                24. Ikaw?
                ‘Yun naman pala e. Wag mo na akong pino-po. Dalawang taon lang naman ang tanda ko sa’yo. I’m turning 26.
                Ah! Okay. Sabi mo e. :) I felt super awkward. Nakikipag-usap ako gamit ang SMS sa isang taong hindi ko kilala. Itinago ko na ang aking cellphone nang nasa loob na ako ng tricycle. Inaalala ko ang mukha ‘nung bokalista na nakabangga sa akin. Madilim sa bar kaya hindi ko masyado nakita ang mukha niya. At saka, ‘di ko rin masyado tinignan ang bokalista, kaya wala rin akong maaalala.
                Matapos ang halos isang oras na biyahe dahil sa mabigat na trapik, nakarating ako sa opisina. Medyo haggard na ako pero kailangan isuot ko muli ang aking nakangiting mukha. Sa totoo nga lang ay mas nakakapagod ang biyahe ko papunta at pauwi, kaysa ang trabaho ko sa isang airconditioned office.
                ‘Pagkarating ko sa aking desk, agad kong hinanap sa aking bag ang aking cellphone. Katulad ng nakaugalian ko, halos nailabas ko na ang laman ng aking bag sa kakahanap ng aking cellphone. Medyo may kakulitan din kasi ang cellphone ko—kung saan-saan sumusuot.
                Nice meeting you pala. Teka, how should I call you? Maria? Ella? Mariela? Nang makuha ko ulit ang cellphone ko, nabasa ko ang text ni Kiko. Natawa bigla ako. Mariela. Ayos ngang nickname iyon.
                Ah! Ella na lang. :)
                Okay. Nice meeting you, Ella. Napangiti ako, ‘yung tipong abot tengang ngiti. Ewan ko kung bakit ako napangiti nang ganoon.
                Nice meeting you too, Kiko.
                “Ahem!” Nakatayo na pala sa pintuan si Aileen. Nakatingin sa aking nang parang nag-uusisa.
                “Kanina ka pa ba diyan?” tanong ko.
                “’Di pa naman katagalan. Pero sapat na rin para makita ko ang ibang ngiti mo. Kwento naman diyan, o,” agad siyang lumapit sa akin at pinilit akong magkwento. 


-kkkino-

ITUTULOY...



*Mula sa may-akda: Sabi ko na! Nag-reply na si Ella. Uyyy! Textmate na sila..haha!

Saturday, May 18, 2013

I Had This Hang-over

I love singing. I don't have an astounding voice, but (I can tell) I can sing.

When I was still working somewhere in Makati, I met this guy. His name is Gerard Mercado. He is a great singer and he has this great deep voice (Actually, I envy him for having such a wonderful voice). Anyway, he (Ged, as we call him) encourage me to do covers (sing some songs, video myself and post it in any social sites). At first I am a bit worried that I'll just embarrass myself. So just like what i always do, I just waved behind the background and gave my whole support to my new found friend.

Then, here comes Mr. Bartolata (We call him JM) and he blew my mind his his high voice. An idea came to my mind. Why not create a boy band just for fun. Ged and JM agreed to my plan, but this plan was executed months after. We're so much busy at work to have a life (haha).

Last month, before I left my job, Ged, JM and I collaborated to do this cover of the song of Angels Brought Me Here. It was hilarious. It was not viral. It is not amazing. It was just for plain fun and friendship.

Before leaving Makati (I was going back to Bicol), I decided to take Ged's challenge to me. I made a cover after downloading the program for recording. This is just in time for Mother's day, so I dedicated the song to my Mama.

Now, I can't stop doing this covers. I am not very good as a singer. My videos are also not good. But WTH?! I'm proud of producing this. Haha! Here I am sharing these videos even in this blog. Haha!





Kahit Maputi na ang Buhok Ko (Cover)





I'll Make A Man Out of You (Cover)

Saturday, May 11, 2013

Wagas: Ang Tarheta

               Pasado ala-sais na ng gabi. Late na ako. Peste kasi itong trapik na ito. Biyernes kasi ngayon kaya ganito kabigat ang daloy ng mga sasakyan dito sa EDSA. Dapat pala sa ibang ruta na lang ako dumaan.
                Napatingin ako sa side mirror ng aking sasakyan. Naninibago ako. Wala na ang dating mukhang barbaric na ako. Di pa rin naman gaano kaiklian ang buhok ko, sapat na rin ang haba nito para makita nang maayos ang mukha. Nakakapanibago rin na wala na ang bigote at balbas ko. Excited na akong makita niya ang pagbabago sa itsura ko.
Kinuha ko ang aking cellphone. Hinanap ko ang pangalan ni Ella. Pinindot ang send message.
                Mahal, sorry male-late ako. Naipit ako sa trapik. Love u
                Napabuntong hininga ako at saka napatitig sa wall picture sa cellphone ko. Isang babaeng simple lamang ang kagandahan. Maputi. Medyo may kaliitan ang mukha. Malamlam na mga mata. Maliit at cute na ilong. Manipis at kulay na rosas na mga labi. Si Ella. Hindi ko mapaliwanag kung bakit todo kong minahal ang babaeng ito. Ibang-iba naman siya sa mga babaeng niligawan at nakarelasyon ko noon. Masyado siyang mahinhin. Palangiti. Fragile. Gentle. Hindi siya hot and sexy. Hindi siya stunningly beautiful. Pero minahal ko siya nang todo—nang todo-todo.
                Maria Ella C. Fernandez
                Iyon ang pangalang nakasulat sa tarhetang nahulog nung babae kanina sa bar. Nabangga siya kanina ni Alwyn, ang bokalista namin. Nahulog lahat ng gamit niya. Tumulong naman ang mga kasamahan ko sa banda na kunin ang mga nahulog na gamit. Tanging ang tarhetang ito lang yata ang hindi naibalik sa babae.
                Bahista ako sa banda namin na nabuo noong college pa lang kami. Nagsimula sa jamming, ngayon ay nauwi kami sa mga gig na tulad ngayong gabi. Kung minsan rin ay mag-isa akong rumaraket. Matapos ang kolehiyo, eto na ang buhay ko. Gig, tugtog, inom, makakakilala ng babae, making out, uwi, tulog, pagkagising wala nanaman maaalala, tapos uulitin ulit ang mga naunang pangyayari. Madalas akong mag-isa. Dumidistansya rin ako sa pamilya ko. Minsan-minsan na nga rin kami magkita ni Mama.
                Nakatitig ako sa tarhetang hawak ko. May nakalagay na mga numero, maging ang office address noong babae.
               “Pare, masususnog na ‘yang hawak mo sa kakatitig mo,” sita sa akin ni Chito, ang drummer naming. Sa banda namin, si Chito na yata ang pinakamalapit sa akin. Hindi naman talaga kami close, pero siya ang lagging kumakausap sa akin kahit na alam niyang hindi ako nakikinig.
Ngumiti lang ako. Ibinulsa ang calling card.
               “Ayun o! Ibinulsa na. ‘Wag mong sabihin na type mo ‘yung babaeng ‘yun, pare,” natawa si Chito sa mga nasabi niya. “Pare, akala ko pa naman iba ang tipo mong chicks. At saka, di ka uubra sa ganun.” Tumawa nang malakas si Chito. Hindi ko na lang pinansin ang tawa niya. Tumingin na alang ako sa malayo, at inubos ang beer sa harap ko.
               Nang matapos na ang tatlong set sa gig namin, umuwi na ako. Umalis na lang ako nang di nagpapaalam sa mga kagrupo ko. Alam na nila ‘yun. Lagi ko naman silang iniwan ‘pag tapos na ang gig naming. Sanay na ang mga iyon.
               Pag-uwi ko sa bahay, wala nang gising sa mga kasama ko sa bahay. Dumiretso na ako sa kwarto ko, nagtanggal ng sapatos at nagbihis. Nang ilalagay ko sa mga labahan ang aking mga damit, nahulog ang tarhetang aking naibulsa. Pinulot ko ito at muling tiningnan.
               Maria Ella. Pangalan palang parang santo na. Konserbatib na konserbatib. Halata naman sa itsura niya.
               Kinuha ko ang aking cellphone at tinayp ang numero. Tinawagan ko. Walang sumasagot. Maaaring tulog na. Tinext ko: Hello, nahulog mo kanina sa bar ang calling card mo. Nag-antay ako ng sagot. Walang dumating, kaya itinapon ko sa basurahan ang calling card at nagpasyang matulog na.


-kkkino-




*Mula sa may-akda: Magre-reply si Ella...malamang

Sunday, May 05, 2013

Wagas: Si Ella

                Hindi mo mapipigilan ang puso na magmahal ng taong di mo aakalaing mamahalin mo. Ilan beses mo man ipilit sa puso na salaing mabuti ang taong iibigin, hindi pa rin ito uubra. Mababalewala  lang ang anumang pamantayan na meron ka.
                Mga isang oras ang biyahe papuntang opisina galing sa bahay namin sa Mandaluyong. Laking pasasalamat ko lang kasi malapit-lapit lang ang nakuha kong trabaho ngayon. Ang una kong trabaho kasi noon ay nasa Rizal pa. Nakakapagod sa biyahe. Nagtagal din naman ako doon nang mga isang taon bago ko naisipan na maghanap ulit ng bagong trabaho. Sa ngayon ay gustong gusto ko ang trabaho ko bilang HR assistant. Mababait naman lahat ng officemates ko lalo na ang mga boss.
                “Ay, Manong, diyan na lang po ako sa tabi. Diyan po sa may green na building.” Naging mabilis ang biyahe ko ngayon dahil sa nag-taxi ako. Itinabi ni Manong Driver ang taxi. Dumukot ako ng pera sa wallet ko at saka nagbayad. “Salamat ho, Manong,” nakangiti kong sabi. Bumaba na ako sa taxi dala ang isang makapal na folder at ang aking bag.
                “Good morning, Ms. Bait!” bati sa akin ng security guard ng building.
                “Magandang umaga rin po, Kuya Rex,” sagot ko na may di mabaling ngiti. Naging ugali ko nang bumati ng may mga ngiti sa labi. Hindi naman talaga ako sanay na makihalubilo sa tao. Introvert nga raw ako. Tahimik. ‘Yung tipong hindi makakabasag ng pinggan. Pero nakatatak na sa isip ko ang maging mabuti ang pakikitungo sa tao. Sabi nga ng golden rule: Don’t do to others what you don’t what others do unto you. Tratratuhin ka rin nila depende sa paano mo sila tinatrato. Kaya dapat sa simula palang ay maayos na dapat ang pakikitungo mo.
                Sumakay na ako sa elevator. Mayroon akong dalawang kasabay—si  Toto, ang janitor namin, at si Sir Kevin, ang advertising manager namin. Siyempre binate ko sila nang may kasamang ngiti. Ngumiti rin naman sila. Lalo na si Sir Kevin. Ang sarap talaga manghawa ng ngiti. Para ba itong epidemya na masarap ikalat.
                Pagdating ko sa aming floor, dumiretso ako sa aming kuwarto. Hindi naman gaano kalakihan ang opisina ng HR, pero kasya naman kaming tatlong empleyado rito. Inilapag ko na ang aking mga gamit sa mesa at binuksan ko na ang aking bag. Dinukot ko ang aking cellphone. Aba’y  may nagtext pala.
                Mahal, sunduin kita maya after work :)
                Galing kay Kiko. Kinilig ako ng todo. Ewan ko ba. Basta kinikilig talaga ako sa tuwing makikita ko si Kiko kahit man lang ang text niya. Ewan ko nga rin ba kung bakit ko siya minahal. Mag-dadalawang buwan na rin naman kami. Halos limang buwan niya rin akong sinuyo. Sa una nag-dalawang isip ako kung sasagutin ko siya. Siya kasi ang taong di ko akalaing mamahalin ko. Wala sa kanya ang mga hinahanap ko sa isang lalaki. Pero iba nga kapag inabot ka na ng love.
                …
                First time kong gumimik. Hindi ako mahilig gumala at pumunta sa kung saan-saan lalo na sa mga bar na katulad nito. Simula bata pa ako, sinanay ako ni Lolo at Lola na bahay-simbahan-eskuwelahan lang ang destinasyon ko. Kung minsan napapadpad din naman ako sa public library malapit sa munisipyo o di kaya ay sa parke malapit sa bahay namin, ngunit kung mangyari man ito sandali lang at lagi akong may kasamang pinsan o malapit na kaibigan. Lolo at Lola ko ang nagpalaki sa akin. Parehas namatay sa aksidente ang mga magulang ko noong tatlong taong gulang pa lamang ako. Buhat noon pinalaki ako nila Lolo sa medyo makalumang paraan. Kaya hindi ako sanay sa gimikan.
                Nagyaya ang mga katrabaho ko na mag-bar. May dalawa kasing bagong empleyado at bilang welcoming party nagkayayaan sa ganoon lugar. Maingay, madilim at medyo nakakatakot sa loob ng bar. Sa totoo nga lang ay gusto ko na rin sana noong umuwi kaso nahihiya ako na umalis. Inisip ko na lang na minsan ko lang mararanasan iyon at para mas makilala ko pa ang mga katrabaho ko kailangan kong makisama.
                Umorder ng ‘sang katutak na beer ang mga katrabaho ko. Hindi ako umiinom ng alak kaya umorder na lang ako ng Iced Tea. Nakipapak na rin naman ako ng kanilang pulutan. Maingay sa bar. Halos hindi ko rin naman maintindihan kung ano ang pinagtatawanan ng mga kasama ko. Tahimik lang akong naka-upo. Nagmamasid sa kakaibang mundong nakapaikot sa akin.
                “Ms. Ella, tara sayaw tayo!,” yaya sa akin ni Janine, isa sa mga katrabaho ko. Pinapatugtog nang malakas noon ang isa sa pinakasikat na dance remix.
                “Ah sige, kayo na lang. Dito na lang ako. Babantayan ko mga gamit ninyo,” nakangiti kong pagtanggi. Sumama na si Janine sa iba pa naming katrabaho sa dance floor. Nakakatuwa silang tignan. Mukha lang silang nagwawala, hindi naman sumasayaw. Iniikot ko pa ang paningin ko. Mayroong mga magbabarkada sa aking kaliwa na panay tawanan at tuksuhan. Malakas na ang tugtog pero litaw pa rin ang kanilang ingay at tawanan. Sa gawing likod ko naman ay may nakita akong magkasintahan na naghahalikan. Diyos ko! Ganito pala rito. Liberated masyado. Sa bandang dulo, nakita ko ang isang lalaki na mag-isang umiinom. Hindi ko maaninag ang mukha ng lalaki kasi bukod sa madilim ay natatakpan ng mahaba niyang buhok at makapal na bigote’t balbas ang kanyang mukha. Nakakatakot siyang tignan. Mukhang terrorista. Kinabahan ako bigla. Naisip ko na baka suicide bomber ang lalaki. Naku po!
                Natapos ang tugtog. Nagsibalikan na ang mga kasama ko sa aming table. Pinagmamasdan ko pa rin ang lalaki sa dulo. Sa isip ko plinaplano ko na ang pag-alis. Yayayain ko na ang mga kasama kong umuwi.
                “Sayang, Ms. Ella, hindi ka sumama sa dance floor. Ang saya kaya!” sabi ni Billy. Tumingin lang ako at saka ngumiti.
                “Oo nga, Ms. Ella. Nandito ka na lang din naman. You must enjoy, right guys?” dugtong naman ni Nikko. Sumagot ng sabay-sabay na “oo nga” ang mga katrabaho ko. Tumango rin ang ilan.
                Muling sumilip ako sa kinaroroonan ng lalaki. Wala na siya roon. Kinabahan ako lalo. Hindi kaya…
                “Boom!”
                Nagulat ako at sabay kong hinanap kung saan nanggaling ang tunog. Napatingin ako sa stage. Nagpalakpakan ang mga tao. Nag-set-up na ang banda. Ang narinig ko pala ay ang ingay ng bass guitar. Natawa ako sa sarili ko. Kung anu-ano kasi ang iniisip ko. Napansin kong ang lalaking may hawak ng bass ay ang lalaking kanina ko pa ring pinagmamasdan—ang lalaking mukhang terrorista.
                Tumugtog na ang banda. Nabaling na ulit ang atensyon ko sa mga kasama ko. Pinilit ko nang kalimutan ang mga naisip ko kanina. Masyado naman kasi akong naghinala. Napahiya tuloy ako. Matapos ang pagtugtog ng banda. Nagpasya ang mga kaopisina ko na umuwi na. Kaya bago kami umuwi pumunta muna ako sa comfort room para mag-ayos.  Aantayin na lang daw ako ng mga kasama ko sa labas.
                Pagkagaling sa rest room, nagmamadali akong naglakad palabas. Inaayos ko pa rin ang bag ko at hinahanap ko ang aking cellphone. Pero bago pa man ako makalabas sa pasilyong papuntang C.R. Nakabangga ako ng tao. Sumimbulat ang lahat ng laman ng bag ko sa lapag. Dali-dali ko rin namang pinulot ang mga nahulog kong mga gamit. Nakita ko na rin sa wakas ang cellphone ko. Kasama rin kasi iyon sa mga nagkalat na gamit ko.
                “Sorry, Miss”
                Napansin kong meron akong mga katulong sa pagpulot ng aking mga gamit. Nabangga ko pala ang bokalista nung banda at tumulong na magpulot ng mga gamit ko ang mga kasama niyang bandmates. Nagpasalamat ako at agad nang naglakad palabas ng bar.




-kkkino-




*Mula sa may-akda: Pagpasensyahan ang sobrang haba ng bahaging ito sa seryeng Wagas. Binalaka kong putulin ito ngunit magkukulang rin ang paglalarawan ko kay Ella. At saka gusto ko lang din banggitin ulit si Sir  Kevin mula sa seryeng Sana Totoo. Salamat sa pagbasa.