“Mukha ba akong nagbibiro?” biglang tanong ni Ivan sa dalawang matalik na kaibigan.
“Ha?” gulat at nagtatakang sabi nila John at Billy. Nag-uusap sila ng tungkol sa isinampang impeachment laban sa kasalukuyang Chief Justice nang biglang magtanong si Ivan. Napansin ng dalawa na kanina pang tulala ang kaibigan simula pa noong umuwi sila galing sa trabaho. Tahimik ito at mukhang malalim ang iniisip. Tango at iling lamang ang sagot nito. Ngayon na lang ulit ito nagsaslita. Nakatitig si Ivan sa mga kaibigan, nag-aantay ng sagot.
Mula pa noong kolehiyo, kilala na nila si Ivan. Palatawa siyang tao at madalas nagpapasimula ng mga biruan at tawanan. Bihira siya magkuwento ng mga problema o ng kahit anong seryosong bagay. Nakakapagtaka na magtanong ng ganito ang kaibigan.
“Biro? San?” tanong ni Billy, kunot-noo.
“Sa mga sinasabi ko,” sagot ni Ivan. Lalong naguluhan ang dalawa sa sagot ni Ivan. Siya ang tinatawag nilang “Joker” ng grupo, easy-go-lucky na katropa.
Nagtinginan sina John at Billy. Nagkibit-balikat si John. Sabay na tumingin sila sa mukhang problemadong kaibigan.
“Di ka namin maintindihan, Van,” sabi ni Billy.
“Ano bang nangyayari sa’yo?” dugtong ni John.
“Wala naman,” pigil na sagot ni Ivan, “Naisip ko lang na itanong kung mukha ba akong nagbibiro lagi.”
“Ano ‘to? Joke?” biro ni Billy.
“Tol, seryoso ako,” giit ni Ivan. Lalong nagtaka ang dalawa niyang kaibigan.
“Wow! Si Ivan Bermoso Cuenco, nagseryoso! End of the world na ba?” pang-aasar lalo ni Billy. Nagpigil ng tawa si John. Hindi nila masabi ngunit di sila sanay na ganito ang kanilang kaibigan.
“Hay naku naman! Hindi ninyo naman ako siniseryoso. Siguro nga ay nakatatak na sa mukha ko ang mga salitang, ‘nagbibiro ako!’,” sabay alis ni Ivan, bitbit ang bag na pitaka at cellphone lang ang laman.
Natameme ang mga naiwang kaibigan. Nahaluan na ng pag-aalala ang pagtataka nila.
Siksikan sa MRT. Nakikipagsisikan si Ivan sa makapal na tao. Nagmadali siyang umalis sa foodcourt at iniwan ang dalawa niyang kaibigan. Sinalubong niya tuloy ang iniiwasang rush hour.
Masama pa rin ang loob niya sa dalawang kaibigan. Akala niya ay sila ang mga seseryoso sa kanya. Hindi rin pala nila siya naiintindihan. Mamasa-masa na ang mata niya sa pag-pigil niya ng luha. Ilang sandali na lang ay siguradong tutulo na ang mga ito.
Nang biglang, ilang metro lang ang layo, nakita niya si Janine. Lalong gusto niyang maiyak. “Bakit ngayon pa?” bulong niya sa sarili.
“Ivan!”
Papansinin niya ba ang tawag na iyon? Pero si Janine iyon...
“Ivan!”
Tumingin siya kay Janine. Nagpumilit na ngumiti at simpleng pinunasan ang luha na parang nagpupunas lang ng pawis sa mukha. “Uy, Janine!”
Lumapit si Janine sa kanya. Ayan na siya. Anong gagawin niya?
Agad hinampas ni Janine sa braso si Ivan. Napa-aray at sabay napahawak si Ivan sa mukhang mamamagang braso.
May hila-hila si Janine. Isang babae. Kulot, maputi at pang-model na katawan. Pero mas maganda parin para kay Ivan si Janine. Bilugan ang mukha, cute ngumiti, chinita.
“Ivan, si Tonette. Tonette, si Ivan.”
Kumaway si Ivan. “Di ba maganda siya?” reto ni Janine kay Ivan. Ngiti lang si Ivan. Di niya alam ang isasagot. “Alam mo, Tonette, mabait itong si Ivan. Walang oras na di ka tatawa pag kasama siya.”
Sa tuwing ginagawa iyon ni Janine. Nakakaramdam ng inis si Ivan. Talagang di naniniwala si Janine sa mga sinabi niya. Naaalala niya pa ang tingin nito noong sinabi niya ang nararamdaman.
“Ja, gusto na kita. I’m falling for you.” Seryoso ang kanyang mukha. Alam niyang walang biro ang sinabi niya.
“Di naman ako balon o kanal a! Nakakatawa ka talaga, Van.” Sabay iwas noon ni Janine, tawa nang tawa.
“Ja,” si Tonette, “bilisan na natin. Maiiwan na tayo.”
“Ay, oo nga pala. Van, bukas ulit. Kita tayo sa office.”
Umalis na sila, pero nandoon ang mabigat na damdamin ni Ivan. Bukas. Sana bukas maniwala na siya.
No comments:
Post a Comment