Friday, April 27, 2012

Ms. Purple 2

   “Pambihira namang trapik eto o!” ang nabulalas ni Billy nang sila ay maipit sa trapik sa kahabaan ng EDSA. “Bakit ba naman kasi, Manong, dito tayo dumaan?”
   “Sorry po. Di naman dito dapat trapik sa ganitong oras.”
   “Hay naku! Sa lagay nito di na namin aabutan ang kaibigan namin.”
   “Kalma lang, Dude,” awat ni John kay Billy. Binasag ni John ang kanina niya pang katahimikan. Patingin-tingin lang siya sa mga kasabayang bus at ibang sasakyan. Malayo ang iniisip.
  “Hulaan ko ang iniisip mo,” sabi ni Billy kay John. Balik na uli si Billy sa kalog niyang sarili.
   “Ha?”
  “Kung hindi sina Ivan at Janine ang iniisip mo, siguradong si Ms. Purple. Tama?”
   Napangiti lamang si John at napatingin uli sa labas ng sasakyan.
   “Sus! Wala nang ibang inisip. Alam mo kasi masyadong seryoso ka sa buhay mo. Lighten up, Dude. Ikaw lang naman. Ayaw mo pa uli magtapat.”
   Natahimik lalo si John. May punto si Billy. Takot pa siyang harapin uli ang babaeng laman lagi ng isip niya. Alam nila Ivan at Billy ang buong kwento ng buhay-pag-ibig niya. Hindi niya rin maikakaila sa kanila ang tungkol sa takot niya sa pupuwedeng isagot sa kanya ni Ms. Purple.
   “Maiba ako. Sa tingin mo, luluhod din kaya si Janine sa harap ni Ivan?” pagpapatuloy ni Billy sa pagsasalita. Nagtinginan ang dalawa. Natawa si John. “Puwede!”


    Simula nang makilala ni John si Mae a.k.a. Ms. Purple, humanap na siya ng paraan para makita niya muli ang dalaga. Pasimple siyang nagtatanong sa mga kakilala at ilang miyembro ng CCC tungkol kay Mae. Kung anu-anong palusot at rason ang sinasabi niya para lang pagtakpan ang tunay niyang intensiyon sa paghahanap kay Mae.
   “Aminin mo, Dude, sinasapian ka, ‘no?,” tanong ni Billy matapos makita si John na kausap ang isang miyembro ng CCC.
   “Huh?”
  “Ang kilala kong John, e, allergic sa mga nag-pre-praise-the-Lord na iyon,” paliwanag ni Billy.
   Napakamot si John sa ulo niya. Alam niyang umaasta siyang iba, di tulad ng John noon. “Naku! Sa susunod niyan a-attend ka na rin ng fellowship nila para makita lang si Ms. Purple mo,” singit ni Ivan sa usapan.
   Nang mga oras na iyon, nakaisip ng paraan si John para nga makita si Ms. Purple. Nakaisip siya ng isang ideya na alam niyang labag sa kanyang personalidad at prinsipyo. Sa mga oras na iyon, gusto na niyang pasalamatan si Ivan sa kanyang sinabi, ngunit palihim muna siyang ngumiti.
   Isang Huwebes, pumunta si John sa isang student lounge sa unibersidad nila na tinatawag na Octagon. Dito kalagian ginaganap ang fellowship ng mga members ng CCC. Maaga siyang pumunta roon. Nagkunwaring tumatambay, pero sa katunayan ay nag-aantay siya kay Ms. Purple. Kinse minute na siyang nag-aantay roon pero wala pang kahit isang miyembro ng CCC ang pumunta sa Octagon. “Dapat nandito na ang mga iyon. Dapat alas singko ng hapon, nagsisimula na sila,” bulong ni John sa sarili habang salit-salitang nagmamasid sa paligid at tumitingin sa relo.
   Karagdagan pang sampung minute siyang nag-antay at nasabi na nni John na aalis na siya, nang biglang dumating si Ms. Purple kasama ang presidente ng CCC at dalawa pang miyembro nito. Natameme si John. Nanigas siya sa kinauupuang sementong bench. Di niya alam kung ano ang gagawin niya. Magtatago ba siya? Sasalubugin sila? Hindi mamamansin?
  “Uy, tamang tama at nandito ka,” sabi ni Jime, isa sa mga kasamang dumating ni Ms. Purple, nang makita si John sa Octagon. Isa si Jime sa mga miyembro ng CCC na natanungan ni John ng tungkol kay Ms. Purple. Sa pagkakatanda nga ni John, kaklase niya rin noong grade four si Jime. “May gagawin k aba ngayong hapon? Imbitahan san kita sa bible study naming ngayon dito sa Octagon,” dirediretsong pag-imbita niya kay John.
  Ngumiti si John. Hindi na siya nakasagot. Agad nman siyang pinakilala ni Jime sa mga sunod-sunod na nagdatingang kasamahan niya sa organization. “Guys, si John pala. Kaklase ko noong grade four.” Bumati ang lahat sa kanya. Kinamayan siya at kinamusta. Maraming mga tanong ang ibinato sa kanya. Di sanay sa mga ganito si John. Isa siyang pribadong tao at ayaw niyang pinagtatatanong ng tungkol sa sarili niya na siya rin namang ginagawa ng mga miyembro ng CCC. Kahit na tipid ang lahat niyang sagot, pinilit niya pa ring maayos pakitunguhan ang mga taong yon. Lahat ng iyon ay para kay Ms. Purple na abala sa pakikipag-usap sa issa niyang kaibigan.
    Nagsimula ang bible study, hindi pa rin napapansin ni Ms. Purple si John. Habang nagsasalita ang youth pastor, kumukuha ng sandali si John para sumulyap kay Ms. Purple. Napapangiti siya sa tuwing naka-ngiti si Ms. Purple. Agad din siyang umiiwas ng tingin sa tuwing mapapagawi sa kanya ang mga mata ni Ms. Purple. Nang matapos ang bible study, lumapit kay John si Jime na hila-hila si Ms. Purple.
    “Mae, eto si John. Kaklase ko noong grade four,” pagpapakilala ni Jime kay John.
   “Hello!,” inabot ni Ms. Purple ang kamay niya kay John pra makipagkamay. Nakipag-kamay naman si John na medyo nanginginig. Tinitigan ni Ms. Purple si John habang hawak pa rin nito ang kamay niya. Lalong nangime si John.
Di ba ikaw ‘yung kasama naming nung outreach pagkatapos ng bagyo?” Sa wakas ay naalala ni Ms. Purple.
   “A, oo. Ako nga.”
   Makalipas ng isang lingo, dumalo ulit si John sa Bible study ng CCC para makita ulit si Ms. Purple. Pero noong araw na iyon, wala si Mae. Naitanong tuloy ni John kay Jime kung nasaan siya.
   “Ah, may pinuntahan ang family nila ngayon na reunion,” sagot ni Jime, “Bakit mo natanong?”
    “Wala naman.”
  “Ows?,” singit ng isang babaeng miyembro na kanina pang nakikinig sa kanila, “Wala raw o. Siguro may gusto ka kay Mae, ‘no?”
Nagulat si John sa sinabi ng babae. Di niya alam kung anong isasagot. Tumawa ang babae at nagpatuloy sa pag-sasalita, “Namumula siya, o. So totoo nga?”
    “Ah, e…” ‘Yun lamang ang nasagot ni John.
   “Patay tayo diyan!” nasambit ni Jime. “Advice lang, Bro. Kalimutan mo na yang feelings na iyan. Malabong magustuhan ka ni Mae.”
   “Mas uunahin ni Mae ang Diyos kaysa sa mga lab-lab na yan. At saka strict ang parents nun. Mataas na ang standard nun sa lalaki. Kaya tignan mo NBSB siya hanggang ngayon,” dugtong ng babae.
   Parang napukpok sa ulo si John. Napanghinaan siya ng loob. Pumasok sa kanya ang takot sa magiging sagot sa kanya ni Ms. Purple kung sakaling ipagtapat niya ang kanyang nararamdaman. Mahal ko si Ms. Purple, pero malabo niya nga ba akong mahalin?



Friday, April 20, 2012

Ms. Purple 1

      “Sige, Ja. Ingat ka. Susunod—.”
       Naputol ang tawag ni Janine kay John. Alam na ni John na nagmamadali si Janine para mapigilan ang pag-alis ni Ivan. Tinitigan niya ang kanyang cellphone at napangiti.
      “Ano raw? Nasaan na raw si Ja?” tanong ng kaibigang si Billy na kanina pang nangungulit sa anumang balita.
      “Sunod tayo sa airport. Papunta na doon si Ja.” Ibinulsa ni John ang kanyang cellphone at pumara ng padaang taxi. “Sa NAIA 3, Manong”
      “Ayos ‘to. Pang-teleserye din talaga ang love story ng kaibigan natin,” pabirong sabi ni Billy habang pasakay sa taxi.
      Bilib din si John sa kwento ng buhay-pag-ibig ng kaibigan niyang si Ivan. Matapos ipakita ni Ivan na sobrang seryoso siya sa pagmamahal niya at mabasted kay Janine, pinili nitong lumayo. Samantalang, si Janine, matapos hayaghayagang tanggihan ang pag-ibig ni Ivan, ay eto naman ngayong susundan si Ivan para ipagtapat rin ang kanyang nararamdaman at bawiin ang mga unang nasabi. Para lamang silang naghahabulan. Noong una, si Ivan ang taya. Ngayon, si Ja naman. Salitan na silang nagiging taya, di tulad ni John. Sa buhay pag-ibig ni John, siya lang ang taya.


      Tama lang ang lamig ng mga panahong iyon. Katatapos pa lang ng bagyo, at nagsisimula palang muli ang mga tao na bumangon mula sa matinding pagsalanta ng bagyo. Lumubog ang maraming lugar sa baha at maraming mga pamilya ang nawalan ng bahay at kabuhayan. Marami-rami rin ang mga nasawi sa nasabing bagyo.
      Napilit si John na sumama sa isang relief operation na inorganisa ng Campus Crusade for Christ (CCC). Ayaw ni John sa mga ganoon. Naiilang siyang kasama ang mga miyembro ng CCC na mahilig magsabi ng “praise the Lord”. Wala rin siyang hilig mag-volunteer para sa kahit anong charity works. Nakamangot siyang bumaba ng mini-bus at nagmasid sa paligid ng evacuation center.
       “Dude, ngumiti ka naman,” tuya sa kanya ni Billy.
      “Oo nga. Ang mga tao nga rito, nabagyo na pero nakakatawa pa rin. Ikaw pa kaya?,” dagdag ni Ivan. Sina Billy at Ivan ang pumilit sa kanya na sumama sa relief operation na ito. Kilala si Ivan na aktibo sa kahit na anong school organization, kasama na rito ang CCC. Si Billy naman ay naroon para sa nililigawan niyang miyembro ng organization. Magkakaibigan sila, kahit hindi rin mapaliwanag ni John kung bakit.
       Pumilit ngumiti si John. “Pasensya ka na. Sana di ka na namin pinilit na pumunta rito,” humingi ng paumanhin si Ivan.
       “Hindi. ‘Wag nyo nang isipin iyon. Mag-enjoy na lang kayo sa pagkawang-gawa. Babantayan ko nalang itong bus,” paubaya ni John. Iniwan siya ng dalawa at muli siyang nagmasid sa paligid. Nakita niya ang pinsalang naidulot ng bagyo sa barangay na pinuntahan nila. Tanging ang elementary school na ginawang evacuation center na lang ang matibay na nakatindig. Mga kalahating oras na nakatambay lang sa may pintuan ng mini-bus si John ng may lumapit sa kanya.
       “Ahm, kasama ka namin, di ba po?,” tanong ng isang mahinhin na boses. Tiningnan ni John ang nagtatanong sa kanya. Naka-violet siyang collared-shirt. Di tulad ng ibang volunteers na nakadilaw. Maamo ang kanyang mukha. Medyo morena. Mahaba ang buhok. Kasing tangkad niya.
       “Ahh, eh, oo,” utal na sagot ni John.
       “Magpapatulong sana ako na magbuhat ng mga karton ng relief goods. Siya nga pala, Ako pala si Wren Mae. Pwedeng Mae na lang,” inabot ni Mae ang kanyang kamay kay John. Inabot rin naman ito ni John at nakipagkamay. Hindi pala-kaibigan si John. Suplado siya sa mga babae. Masungit sa mga bata. Pero ibang John ang kaharap ni Mae. Parang sa isang iglap, nawala ang supladong si John.
        Pag-abot ng kamay niya, agad rin namang binitawan ni John ang kamay ni Mae na parang napaso o nakuryente. “Saan ang bubuhatin?,” tanong agad ni John.
        “Nasa loob pa ng bus,” sagot ni Mae. Agad na pumasok sa loob ng bus si John at hinakot ang mga tatlong karton ng relief goods. Pagbaba niya ulit ng bus, kinuha ni Mae ang isang karton at siya ang nagbuhat. “Salamat!,” wika pa niya.
       Sabay silang pumunta sa covered court. Pagdating doon, tumulong na rin si John sa pag-abot ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo. Nakikipagkwentuhan din naman si Mae sa kanya. Sa katunayan marami nang nalaman si John tungkol kay Mae. Pumapasok sila sa parehas na unibersidad at parehas na silang second year college. BS Psychology ang kinukuha niyang kurso. Christian Baptist na siya simula pa nang bata at Pastor ang tatay niya. Kaibigan niya ang presidente ng CCC sa unibersidad nila. Higit sa lahat, purple ang paborito niyang kulay.
      Nang pauwi na sila, tinanong ni Billy si John ng tungkol kay Mae. “Dude, type mo yun si Miss Purple no?”
      “Miss Purple?”
      “Oo. ‘Yung kausap mo kanina na naka-violet.”
      “Ah! Si Mae.”
      “Naks! Alam niya na ang name. Ayos ka, Dude. Good luck!,” sabay tapik ni Billy sa likod ni John.
      Sa ganoon nag-simula ang pagiging taya ni John sa buhay-pag-ibig niya. Lagi nang nasa laman ng kanyang isip si Mae—ang Ms. Purple ng puso niya.


Wednesday, April 04, 2012

Tsismis (Bersyon ni Lena) 2

      Araw na ng graduation namin ni Nikko. Tahimik pa rin siya at madalas gusto mapag-isa. Simula nang umuwi siya galing kila Jane, isang linggo na ang nakakalipas, umiwas na siya sa tao. Nalaman ko na rin ang buong kwento, ang mga pangyayari noong pumunta siya kila Jane. Napilit ko si Nikko na ikuwento.
      Pumunta si Nikko roon para ibalik ang mga notes ni Jane na hiniram niya para sa Final exams nila. Kukunin din niya ang ilang notes na naiwan niya roon noong huli silang nag-group study sa bahay nila Jane. Noong pagpasok ni Nikko sa bahay, normal pa naman daw ang mga pangyayari. Pinapasok siya at inasikaso ni Jane. Binigyan siya muna ng juice at saka pumasok ng loob ng kwarto si Jane para kunin ang mga naiwan niyang mga papel.
Habang wala pa si Jane, umupo ang nanay ni Jane sa harap ni Nikko at saka nagtanong, “Isang direktang tanong, nanliligaw ka ba sa anak ko?”
      Nagulat daw si Nikko sa tanong ng nanay ni Jane. “Ah, ano po kasi...”
      “Tatapatin kita. Ayaw kita para sa anak ko. Kaya tigilan mo na ang panliligaw sa kanya.”
      Nanlamig daw ang kamay at mukha ni Nikko nang marinig ang mga ito mula sa nanay ni Jane. Isang diretsong pananalita. Dito kilala ang nanay ni Jane. Maraming may ayaw sa kanya dahil sa pagka-prangka niya.
      “Pero, Ma'am, malinis po ang intensyon ko sa anak nyo.”
     “Ayaw kong magka-manugang na bading o kahit mukhang bading. Di ka bagay sa anak ko.” Iyon ang masamang nasabi ng nanay ni Jane kay Nikko. Tumahimik na si Nikko. Lumabas na sa kwarto si Jane at iniabot ang mga notes. Umalis na agad si Nikko. Hindi na siya makatingin sa nanay ni Jane kahit na kay Jane.
      Siyempre bilang isang kaibigan, noong nalaman ko ito, binalak kong sugurin ang aleng iyon na may matalas na dila, pero pinigilan ako ni Nikko. Wag ko na raw palakihin ang issue. Hayaan ko na lang daw.
        Nang graduation na namin, umiiwas na si Nikko sa lahat ng mga bagay na magpapaalala sa kanya kay Jane. Hindi siya lumilingon sa dako kung saan nakaupo si Jane. Kahit na sa dako ring iyon ay naroon ako. May pagpipigil sa mukha ni Nikko. Sa tingin ko nga ay nararamdaman ko na ang sakit sa kalooban noon ng aking kaibigan.
       Simula na noon, hindi na nanligaw si Nikko. Hindi na rin siya nag-kukuwento ng tungkol sa kanyang mga crush. Sa tingin ko nga ay hindi na siya nagkakacrush. Hindi na rin muling nabanggit ni Nikko ang mga bagay na iyon. Naging malamig na rin siya patunggo sa pag-ibig.
      Isang buwan pa ang nakalipas, lalo pang naging mukhang bading si Nikko. Pumasok siya sa isang kumpanya at doon ang tingin sa kanya ay isa siyang bading. Minsan nga ay natanong ko siya kung bakit nagpapakabading siya.
      “Hinahayaan ko na sila makita kung ano ang gusto nilang makita. Nakakapagod naman kasi magpaliwanag ng paulit-ulit.”

_________________________________________________________________

     Ako lamang ang nakakaalam ng sekretong ito. Naniniwala akong lalaki pa rin si Nikko. Nadala lang siya sa sistema ng pag-ibig. Napagod. Inalipusta ng mga isip ng lahat ng nakakakita.

Monday, April 02, 2012

Tsismis (Bersyon ni Lena) 1

     Tumunog ng pagkalakas-lakas ang cellphone ko. Nabulabog ang buong kwarto. Nahinto rin ang maiging tsismisan namin ng aking kababatang si Nikko. Tiningnan ko ang aking cellphone. Tumatawag si Bryan, ang boyfriend ko.
       “Best, sandali lang. Tumatawag si Bryan,e.”
     “Sige lang. Ganyan naman talaga kayo,” sagot ni Nikko. Pagkatapos noon ay pabulong niya pang sinabi, “Ang mga syota talaga, sagabal sa kasiyahan.” Natawa lang ako at sinagot ang tawag ng aking boyfriend.

_________________________________________________________________

      Matagal ko nang kilala si Nikko. Simula pa nga yata ng nasa sinapupunan kami ay nag-tsitsismisan na kami kasabay ng aming mga nanay. Kapitbahay lang namin sila Nikko at malapit na magkaibigan ang mga pamilya namin. Sa sobrang lapit ng aming mga pamilya ay aakalain mo nang magkakadugo na kami. Masasabi kong, sa lahat ng kaibigan ni Nikko, ako na ang tunay na nakakakilala sa kanya.
      Bakla. Yan ang tingin sa kanya ng marami. Kahit nga yata ang nanay niya ay kumbinsidong bading ang kanyang anak. Sa kanyang malamyang kilos, maputing balat at mas maputing mukha, lambing ng pagsasalita at payat na pangangatawan, siguradong sa unang tingin ay masasabi mong bakla nga ang aking kaibigan.Pero Hindi naman talaga bakla si Nikko. Sigurado ako doon. Alam ko, dahil naging saksi ako sa pagbabago niya.
     College kami noon. Medyo iba pa noon si Nikko. Malambot nga ang mga galaw niya pero lalaki pa rin ang itsura niya. Isa si Nikko sa mga matatalino sa klase. Sa katunayan nga, nang dahil sa pagtuturo niya sa akin ay sabay kami nakagraduate. Simula pa noon ay masayang kasama si Nikko. Marami akong naging kaibigan dahil sa kanya. Siya kasi ang klase ng taong gusto ang nasa maraming tao. Sociable, friendly, matalino.
     Wala pang nagiging girlfirend si Nikko. Marami siyang naging crush simula pa noong elementary, pero hanggang tingin lang siya. May pagka-torpe din kasi siya. Kaya nga nagulat ako noong college kami nang magsabi siya sa akin, “Best, paano ba manligaw?”
     “Naks! Ikaw ba yan? Sino naman ang liligawan mo?” biro ko. Inalala ko ang lahat ng magagandang babae na hinahangaan ni Nikko. Sigurado isa sa kanila ang naisip niya nang ligawan.
       “Si Jane.”
      Nagulat ako sa sagot niya. Matindi ring pumili ang kaibigan ko. Isa rin si Jane sa matalino sa kanilang klase. Consistent dean's lister at talagang maganda. May kaya rin ang pamilya nung babae. “Wow! Seryoso? O, sige tutulungan kita.”
      Simula noon, nagsimula nang gumawa ng mga paraan si Nikko na mapalapit kay Jane. Sinasabayan niyang kumain sa canteen at umuwi. Napadalas din ang mga group study nila at kadalasan ay si Jane ang nagyayaya sa kanilang bahay. Sa mga ginagawa ni Nikko, hindi pa rin niya sinasabing direkta kay Jane ang kanyang panliligaw.
       Simula rin noon, medyo nabawasan na ang mga oras ni Nikko sa aming mga tsismisan. Pero ayos lang iyon sa akin kasi nakita ko namang masaya siya. Habang napapalapit siya kay Jane, lalong hindi mabura ang mga ngiti niya sa mukha. Tinutulungan ko na rin siya noon na gumawa ng palusot para sa mga magulang niya sa tuwing siya ay mahuli ng uwi o maubusan ng allowance.
      Tatlong buwan na ang nakalipas. Isang linggo na lang bago ang aming graduation. Kagagaling ni Nikko sa bahay nila Jane. Ibinalik niya ang ilang mga notes na hiniram niya. Umuwi si Nikko ng tahimik. Hindi nga rin niya ako binati kahit na nasa may tindahan ako sa tapat ng mga bahay namin.
      Pumasok ako sa bahay nila. Sinundan ko siya sa loob ng kanyang kwarto. Nakita ko siyang nakadapa sa kama niya at nakasubsob ang mukha sa unan. Naupo ako sa gilid ng kama niya at tinapik ang binti niya.
       “Best? Okay ka lang ba?” Nakarinig ako ng natatakpang hikbi mula sa kanya.”Uy, Best. Anong nangyari?”
       Niyugyog ko siya saka siya umupo at yumakap sa akin. “Best.” Ayun lang ang nasabi niya at umiyak na siya.


                                                                                                          ITUTULOY...