Ang ayaw ko sa babae ay ‘yung aggressive. Gusto ko ‘yung normal lang. ‘Yung tipong aantayin na ang lalaki ang gumawa ng move. Ang lalaki dapat kasi ang nanliligaw. Sa una ay ‘di dapat pinapahalata ng babae na may gusto rin s’ya sa lalaki. ‘Yun bang pakipot. Ewan ko ba. Basta ‘yun ang trip ko. Wala na lang basagan ng trip.
Pero sa panahon ngayon, iba na ang sinasabing “normal” na babae. Kabaligtaran siya ng gusto ko. Karamihan sa mga kakilala ko, e, mapupusok at agresibo. ‘Yung iba pa nga e sobrang malandi at sadyang makati. At napapansin ko rin na padami nang padami sa mga babae ngayon ang maaarte. Maarte kumilos, magsalita, maglakad, pumorma at mag-pa-cute sa mga lalaki. Eto namang mga lalaki e parang mga asong susunggab sa mga ganitong mga babae. Nakakainis isipin. Lalo akong naba-badtrip.
Isang linggo na ang lumipas simula noong kausapin kami ni boss. Isang linggo na rin na sinusubukan ni Niña na kausapin ako, pero lagi akong ilag sa kanya. Ayaw ko siyang kausap ni makasama sa iisang kwarto. Naaalibadbaran ako. Basta! Walang basagan trip.
Nung araw na dumating ang mga trainees, sinadya kong magpa-late. Bukod sa ayaw ko ng trabaho,e, ayaw ko rin sa katrabaho ko. Ilang beses ko rin kinausap ang boss namin noong nakaraang lingo na iba na lang ang i-assign niya sa trabahong iyon.
“Rico, tanong lang. Sino ba sa atin ang boss? Ikaw ba?” Sagot yan ni Sir noong huli kong lapit sa kanya. Kunot ang noo niya at may inis na sa tono ng kanyang pagsasalita.
“Pero, Sir, ‘di ko lang kasi talaga magagawa ang trabahong iyan. May iba pa namang mas magaling humawak ng tao kesa sa akin. Alam niyo namang ‘di ako magaling sa public relations,” medyo inis ko na ring sinagot si Sir. Bahala na. Sisante kung sisante.
“’Yun nga ang dahilan ko kung bakit ikaw ang nilagay ko sa trabahong iyan. I want you to improve your social skills. Sa isang taong pagtratrabaho mo rito sa project na ito, sa company na ito, nakita naming super-efficient ka, maliban na lang sa isang bagay. At iyon ang pakikitungo mo sa mga katrabaho mo. Mabait ka namang tao pero ewan ko ba kung bakit anti-social ka. Isipin mo na lang na isang hakbang ito para sa promotion mo,” ‘yan ang mahabang paliwanag ni Sir.
Uy! Promotion daw. Kabisado na ng boss namin ang mga sasabihin para tumigil nang mangulit ang mga reklamador na tulad ko. “Pero bakit kailangan pang si Niña ang kasama ko?” hirit ko pa.
“Well,” balik nanaman si Sir sa pagiging cool niya, “siya ang nakita kong makakatulong sa’yo to break that barrier of yours. Magaling siyang humawak ng mga tao at makisama sa kahit na kanino. I know you will learn a lot from her.” Lusot nanaman si Sir. Ang galing talaga maghanap ng mga rason ang mga boss. Kaya nga siguro boss sila. Anak ng tokwang pinaputukan talaga!
Pagkatapos noon, hindi na ako nagtanong o nangulit pa. Pero hindi ibig saihin nun na gusto ko na ang trabahong ibinigay sa akin. Itinigil ko nang mangulit kasi baka mapuno sa akin si Sir at kinabukasan ay kailangan ko nang maghanap ng bagong trabaho. Hirap pa naman ngayong maghanap ng trabahong may maayos na sweldo at magandang workplace.
Nang dumating ang mga trainees, saktong on-leave si Sir. Kung sinuswetre nga naman ‘di ba? So pinabayaan kong si Niña na lang ang mag-asikaso sa kanila. Tutal naman ay nakaya niyang wala ako nung simula, kaya na niya iyon sa buong araw. Pero bago pa man ako mag-out, bigla akong hinarang ni Niña sa may CR.
“Rico, puwede bang mag-usap tayo kahit sandali?” seryoso ang tono niya. Pabaling-baling sa baba ang kanyang paningin at hindi sa akin makatingin ng diretso. Tiningnan ko siya. ‘Yung titig na may kunot –noo at nakataas ang kaliwang kilay.
“Kasi, Rico, alam ko na ilang ka sa akin—na iniiwasan mo ako—” tuloy ni Niña. Ay! Nahalata mo pala. Buti naman at alam mo yun, sagot ko sa isip ko.
“Sahree (Sorry) if I’ve made things uncomfortable for you. Mahirap kasing mag-work nang ganito. Hindi naman ako ang may gusto nito. If I’ll be able to choose, I won’t also accept you as may partner. Hirap din kaya. Pero nandito na ito e, so I hope we can do this professionally. Can we?” Mamasa-masa ang mata ni Niña nung matapos siyang magsalita. Hindi na ako sumagot. Napatahimik ako. May iba sa kaharap kong Niña. Tiningnan ko lang siya, pero sa pagkakataong iyon nakababa na ang kilay ko, wala nang kunot sa noo ko at seryoso na akong nakikinig sa kanya.
Naglabas siya ng panyo mula sa bulsa ng kanyang jacket at sabay tumalikod sa akin. Nagpunas siya ng kanyang luha at saka humarap ulit sa akin. “Can we be professional partners kahit ngayon lang hanggang sa matapos ang trabahong ito?” iniaabot niya ang kanyang kamay sa akin para makipagkamay. ‘Di ko alam kung anong nangyari pero dahan-dahan ko namang inabot ang kamay niya. Ngumiti siya sabay binitawan ang kamay ko.
“Sige, tomorrow na lang ulit. Aasahan kita, Rico,” nakangiting sabi ni Niña bago siya tumalikod at lumayo sa akin. Anak ng buteteng prinito! Nagayuma ba ako? Kasi sinundan ko ng tingin si Niña hanggang sa maka-alis na siya. Tsk!
itutuloy...
*disclaimer: ang kwentong ito ay likha lamang ng imahinasyon at maging ang mga karakter ng kwento ay pawang gawa-gawa lamang. Kung mayroon mang tauhan o pangyayari sa kwento na katulad ng mga tunay na tao o pangyayari, ito lamang ay buhat ng pagkakataon. Walang layunin ang may akda na manira o manakit ng kung sino o anuman.
*ang larawan ay nakuha sa http://www.propertymasteryguru.com/office-singapore/
*ang larawan ay nakuha sa http://www.propertymasteryguru.com/office-singapore/
basahin rin ang Part 1, 2, 3, 4, at 5

No comments:
Post a Comment