Monday, March 11, 2013

'Yung Normal Lang (Part 2)

Nagsimula ang lahat noong sumama ako sa gimikan mga isang taon na rin ang nakakalipas. Hindi ako pala-sama sa mga ganoon pero dahil sa makukulit ang mga katrabaho ko napasama na rin ako. Welcome party raw iyon sa isa naming bagong katrabaho. Sa totoo lang e, hindi ko na matandaan kung sino iyon. Hindi ko na nga rin matandaan kung sinu-sino ang mga sumama. Wala rin naman kasi akong ka-close sa mga katrabaho ko. Most of the time, I keep everything to myself. Anti-social… ng konti, ahm, o sige na nga, anti-social talaga ako. Ewan ko ba kung bakit ako sumama noon. Pinagsisihan ko tuloy na sumama ako.
Unang beses ko makapasok sa bar. Unang beses ko rin umubos ng isang bote ng beer. Maingay doon. Mausok din. ‘Yung tipong hindi ko na ulit babalikan. At hinding hindi na talaga ako babalik sa ganoong lugar.
“So, people, let’s play a game,” yaya ng bading kong katrabaho na si Nikko. Maingay siya. Siya nga yata ang pinakamaingay na katrabaho ko, mapa-sa-loob ng opisina o sa labas man.
Agad nagsidumugan ang mga kasama namin at hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong makatakas. Truth or dare. Klasik na laro ng mga walang magawa. Larong ikakatuwa ng mga tsismoso at sadista. Pero ang nilaro naming ay may konting twist daw. Truth or truth. Nice options, di ba? Walang ibang choice. Saya!
Pina-ikot ni Nikko ang walang laman na bote ng beer. Huminto ito at tumuro sa harap ng isang babae. Niña ang pangalan. Isa siya sa mga sosy girls sa office. Super conyo at OA maka-pasosyal. Mga lima silang ganito sa office. At siyempre, complete attendance sila sa mga ganitong okasyon.
“Oh-Em-Gee! Seriously?” pasosyal na sabi ni Niña. Ang sarap buhusan ng kumukulong beer.
“Okay, okay! Ako ang magtatanong,” singgit ni Ivan, ang alaskador naming katrabaho. Siya ang tipikal na joker ng grupo na kalian man ay hindi mo seseryosohin. “Sino sa mga lalaki sa office ang crush mo?”
“’Yun ‘yun o! Nice!” sulsol ni Billy, isa ko pang katrabaho at kakambal ni Ivan sa kalokohan.
Pagkatapos ng tanong ay para bang biglang tumahimik at napansin kong nagpa-cute ang ilang mga lalaking kasama namin. Nagbaka sakaling kanila ang banggitin na pangalan.
“Just, wow!” simula ng sagot ni Niña. “That’s kinda mahirap na tanong. Puwede bang ‘wag ng crush, ‘yung attractive na lang sa eyes ko,” pakiusap niya. Hindi ko lang mawari kong paano maitutuwid ang dila ng babaeng ito.
“Uyyy!” kantsaw ng iba naming kasama. Sa buong pagkakataon ay parang nanonood lang ako ng walang kwentang sitcom.
“Ahm. I think,” tuloy pa ni Niña, “I find Rico attractive.”
Whoa! Anak ng bakang giniling! Ano ‘to lokohan? Bakit naman nadamay ang pangalan ko sa sitcom na ito?
Umulan ng uyyy at ayeee. Mga ilang siko at tapik mula sa mga katabi ko ang aking natanggap. Kumunot ang mukha ko. Di ko man nakikita ang mukha ko sa pagkakataon iyon, alam kong masama ang timpla nito. Bakit ako? Anak naman ng kambing na ililitson mamaya, o!
“Bakit naman si Rico?” tanong ng isa pang babaeng katrabaho ko.
“Ah, well. He’s kinda cute and I like mysterious guys like him,” sagot naman ng Niña.
Lalong lumakas ang ulan ng uyy at ayeee. Dumami rin ang siko at tapik. Ako naman ay lalong tumahimik.
Itinuloy nila ang kanilang laro. Para maka-iwas ng tuluyan. Pumunta ako ng banyo at pagkatapos ay umuwi nang di na nagpaalam sa kanila.


itutuloy...

*disclaimer: ang kwentong ito ay likha lamang ng imahinasyon at maging ang mga karakter ng kwento ay pawang gawa-gawa lamang. Kung mayroon mang tauhan o pangyayari sa kwento na katulad ng mga tunay na tao o pangyayari, ito lamang ay buhat ng pagkakataon. Walang layunin ang may akda na manira o manakit ng kung sino o anuman.
*ang larawan ay nakuha sa http://www.freewebs.com/trevorshome/apps/photos

basahin rin ang Part 1, 2, 3, 4, at 5