Thursday, February 28, 2013

'Yung Normal Lang (Part 1)

“Good job, guys! Ituloy lang natin ito at sigurado na ang salary increase.”
Natuwa ako sa mga narinig ko. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagustuhan ko ang mga panghuling salita ng aming boss. Kalagian kasi mabigat ang loob naming lalabas ng meeting room dahil sa mga nasabi ng boss namin. Kung hindi kasi sermon, puno ng bad news si Sir. Pero mukhang naiba yata ang meeting na ito. Lalabas ako ng kwarto na maluwag ang pakiramdam.
Increase. Dagdag sweldo. Sino ba namang hindi matutuwa nun? Isang buwan na lang ay dalawang taon na ako sa trabahong ito. Sa wakas ay makakatikim na ako ng increase. Hmmm. Mga magkano kaya ang idadagdag? I wonder.
Nagpalakpakan ang mga katrabaho ko. Sumabay na rin naman ako. Go with the flow, ika nga. Pero hindi siyempre dapat ipahalata na takam na takam sa “increase” na sinabi ng boss. Baka kasi pinapaaasa lang kami at parang kontrabida lang tumawa nang palihim ang aming boss. ‘Di rin dapat masyadong magsaya. Baka maudlot at maligo sa disappointments. Huwag gayahin ang ilang mga katrabaho na kung maka-react ay parang nanalo sa lotto. Kung maka-ngiti, maka-palakpak at maka-sabi ng “yes”, wagas!
“Okay! You may go now. Back to work,” utos ni Sir.
Halos sabay-sabay kaming tumayo na parang klaseng napalaya ng pinaka-aasam na bell. Palabas na sana ako nang…
“Rico, Niña, just a sec. Can I talk to you for a minute?”
Oh-oh! Tinawag ni boss ang pangalan ko.  Anak ng tokwa! May pahabol pa si boss. Kakausapin daw ako. Ano nanaman kaya?
Huminto ako sa may pinto. Humarap sa kanya. Marahang naglakad palapit. Mabilisan akong nag-isip ng kung ano ang pwedeng dahilan kung bakit ako kakausapin. Tungkol kaya ito sa pagkuha ko ng mga printing paper para gawin kong scratch or di kaya origami? Nahuli na ba ako? Sa pagkaka-alam ko maingat ako na hindi makita ng iba na kumukuha ng supplies. Wala rin namang CCTV camera sa may printer. Wala nga ba? Naku po!
Kinakabahan na ako. Will I be fired? “Bakit po?” mahina kong tanong. Medyo nahirapan pa akong maglabas ng boses nun. Sa katunayan, e, sumabit pa ang boses ko sa naipong laway sa lalamunan ko.
“Oh well, may darating tayong mga trainees next week,” madulas na sabi ni Sir. “I want you, Rico—”  sabay turo sa akin na para bang pinagbibintangan ako. “—and you, Niña—” lumipat ang kanyang turo sa babaeng katabi ko. Doon ko lang napansin na dalawa pala kaming kausap ni Sir. “—to handle them and show them how we work here,” pagpapatuloy ni Sir, “Nandito sila for two months. Can you do that?”
Ah-eh! Paano ba akong sasagot? Hindi ako ang klase ng taong maaasahan mo sa ganoong trabaho. Why me? Tatanggi ako. Dapat akong tumanggi.
“Yes, Sir. We can do that! Ako at si Rico. You can count on us. Don’t worry!”
Anak ng tinapang nabilad sa gitna ng daan! Naunahan ako ng madaldal na babaeng ito.
“Good! Now, you can also go back to work,” taboy sa amin ni Sir.
What now? Hindi na ako makaka-hindi. Umalis na si Niña. Ako. Naiwan na nakatayo. Nagliligpit si sir ng mga gamit niya. Napatingin siya sa akin. Napansin niyang hindi pa ako umaalis.
“May sasabihin ka pa, Rico?”
“Ah-eh, wala na po.” Mabilis na akong lumabas ng kwarto. Mabigat ang loob. Parang di na ako nasanay. Lagi namang ganito. Pagkatapos ng meeting, lalabas ako ng meeting room na may mabigat na kalooban, na para bang sinakluban ng langit at lupa.
Makikipag-trabaho ako sa mga ibang tao? Sana pala nahuli na lang ako na kumukuha ng printing paper. Mas maganda pa iyon. Ang pinaka-ayaw ko sa mga naganap ay ang pagiging partner naming ni Niña. Of all people, bakit siya?! Anak ng tupang tumatahol talaga!


itutuloy...

*disclaimer: ang kwentong ito ay likha lamang ng imahinasyon at maging ang mga karakter ng kwento ay pawang gawa-gawa lamang. Kung mayroon mang tauhan o pangyayari sa kwento na katulad ng mga tunay na tao o pangyayari, ito lamang ay buhat ng pagkakataon. Walang layunin ang may akda na manira o manakit ng kung sino o anuman.
*ang larawan ay nakuha sa http://www.regus.com.ph

basahin rin ang Part 123, 4, at 5