Ang kapangyarihan ng pag-ibig ay hindi masusukat. Kaya nitong pagtagpuin at pagkasunduin ang dalawang magkasalungat na tao. Kaya nitong sirain ang pader ng pagkakaiba. Kaya rin nitong baguhin ang anumang tingin natin sa buhay.
…
Hindi ito ang unang pagkakataon kong magpaayos ng buhok sa isang salon. Sa katunayan niyan ay halos lumaki na ako rito. May-ari ng isang beauty salon kasi si Mama. Isa siyang hairdresser at make-up artist. Hindi ko kinakahiya ang trabaho niya, mas ipinagmamalaki ko ngang ganoon ang propesyon niya. Dahil kasi sa trabaho niya, nabuhay niya kaming dalawang magkapatid nang mag-isa. Nung ipinanganak kasi ang kapatid kong si Yani, iniwan kami ng aming tatay at sumama siya sa iba niyang pamilya. Kaya kumayod-kalabaw si Mama. Sa ngayon ay may tatlong branches na ang beauty salon namin sa buong Maynila at isang branch sa Amerika. Nakilala na rin siya bilang isang world-class stylist.
Hindi nga ito ang unang pagkakaton na magpapaayos ako ng buhok pero kinakabahan ako. Maglilimang taon na rin na mahaba ang aking buhok at halos dalawang taon na rin na pinapanatili kong makapal ang balbas at bigote ko. Pero sa mga oras na ito, malapit na ulit akong “magmukhang-tao”.
“Kuya, sure ka na bang gagawin mo ito? Pag nasimulan ko na ito wala nang atrasan,” tanong ni Yani. Tinitignan niya ako sa kaharap naming salamin. Hawak na niya ang razor at suklay sa kanang kamay at ang buhok ko sa kabila.
“Yani, mukha ba akong nagbibiro?” tiningnan ko nang seryoso ang imahe ng kapatid ko sa salamin. Seryoso akong tao at bihira akong magbiro. Wala nga raw akong sense of humor. Iyan ang laging sinasabi sa akin ni Yani. Bilang panganay at walang tatay, ako ang tumayong padre de pamilya sa amin. Naging ugali ko nang maging seryoso sa mga bagay-bagay at nakasanayan ko na munang pag-isipan nang maigi ang lahat bago magdesisiyon at umaksyon. Alam ito ni Yani. Sigurado ako sa gagawin ko at alam din iyon ni Yani.
Isinaksak na ni Yani ang electric razor. “Di ka ba talaga nanghihinayang, Kuya? Limang taon mo ring inalagaan yan. Ayaw mo ngang ipagalaw yan noon, kahit na sinasabi ni Mama na di na bagay sa’yo ang ganyang itsura,” patuloy na pangongonsenya niya.
“Yani,” di pa rin matitinag ang desisyon ko, “Dalian mo na lang dyan at gupitan mo na ako. Puwede?”
“Kuya, last question na lang,” nakapamewang na hawak ni Yani ang suklay at ang razor. Nakaharap muli siya sa salamin at nakatitig sa akin sa pamamagitan ng nito. “Anong nakain mo at biglaan naman yata itong pagpapagupit mo?”
Napatingin lang ako kay Yani. Napangiti. At saka napatingin sa kawalan.
“Oh my God, Kuya! Sabi na nga ba! So who’s the lucky girl?” sabik niyang tanong.
…
Lucky girl. Hindi siya ang maswerte. Hindi siya, kundi ako. Noong makilala ko siya ang pinakamasayang pangyayari sa buhay ko. Nung naging kami, parang hinulugan ako ng langit ng napakalaking biyaya. Siya ang pinakamagandang babae. Siya ang bumuo ng mundo ko. Siya ang laging hinahanap at inaantay ng puso ko. Siya ang susi ng kaligayan ko. Siya ang nagpatibok ng puso kong akala ko’y patay na. Sa aking paningin, nasa kanya na ang lahat. Ako ang maswerte, dahil sa ako ang minahal niya.
…
“Hoy, Kuya! Earth calling Kiko. Are you there? Mr. Francis Arevalo, Can you hear me? Calling-calling!”
“Ha?” Ilang sandali rin palang naglakbay ang isip ko.
“Ano ba yan, Kuya! Salita nang salita ako dito, di ka naman pala nakikinig,” naka-mangot na sabi ni Yani.
“Ano ba ang sinasabi mo?”
“Sabi ko, anong pangalan ba nung girl?"
“Ella. Ang pangalan niya ay Ella.”


