Sunday, April 28, 2013

'Yung Normal Lang (Part 5)

“Good job, guys! We exceeded our targets and the client is very well please.” Masayang ibinalita ni Boss ang monthly performance ng aming grupo. Nagpalakpakan ang mga katrabaho ko. Parang eksena lang  sa Ms. Universe at katatapos palang sumagot ng Ms. Philippines sa question and answer portion. Bilib ang mga judge pati lahat ng nanonood.
“… and I have good news,” pinatigil ni Sir ang mga palakpakan. “The increase in our salaries has been granted.” Di pa natatapos ang sentence ni Sir, e, umingay na ang meeting room. Nasobrahan sa tuwa ang lahat ng mga katrabaho ko. May isa pa ngang kamuntik nang mapatalon. Karamihan ay nagpalakpakan (mukhang si Ms. Philippines na nga yata ang nanalo). Merong grupo ng mga lalaki na maka-react ay parang napatumba nga ni Donaire ang kalabang amerikano. ‘Yung iba ay parang nanalo na sa Oscars at grabe kung maka-emote.Sa lahat yata ng mga katrabaho ko, dalawa lang kami ang di masyado ganoon OA maka-react. Ako at si Niña.


Tatlong linggo na rin ang nakakalipas. Umalis na rin ang mga student trainees sa kumpanya. Natapos na rin ang trabahong pinilit kong gampanan. Medyo naging pangit man ang performance ko sa trabahong iyon, ipinarating pa rin ni Sir ang appreciation niya sa aking pagganap. Matapos kasi noong ipinatawag uli kami ni Niña sa kanyang opisina ay naliwanagan na siya kung ano nga ba ang tunay na problema sa pagitan naming ni Niña. Di ko alam kung alam at naintindihan niya talaga. Basta natapos na iyon.


Tumingin ako kay Niña. Nakangiti siya at dinadama ang pangkukuyog sa kanya ng mga kaibigan niya. Hindi na nga yata siya ang dating Niña na unang nakita ko. Napansin kong bihira na siyang mag-suot ng sleeveless. Kalagian na rin ay naka-slacks na siya at kung naka-palda man siya ay di na aangat sa tuhod ang haba nito. Nabawasan narin ang dating makapal niyang make-up. Sa totoo nga, e, nahahalata na ang makapal niyang eyebags.
Napalingon sa akin si Niña. Nakaramdam yata na nakatingin ako sa kanya. Umiwas ako ng tingin. Unti-unting nawala na ang pagka-inis ko sa kanya. Kasabay nito ang pag-lay-low ng panunukso ng mga katrabaho ko. May bagong kinahuhumalingan na silang love team. ‘Di na nga ako inis ngunit nandoon na rin ang pagka-ilang kay Niña. Nangyari na ang nangyari. Mahirap nang limutin o bawiin kung ano man ang mga naganap.


Matapos kaming kausapin ni Sir nilapitan ko si Niña para kausapin.
“Niña, pasensya na. Ayaw ko lang na ipinapares sa’yo o kahit na kanino. Nakaka-bad-trip!”
Nakatungo si Niña. Alam kong kanina pa siyang umiiyak. Nasira na nga ang make-up niya.
“Rico, pasensya na rin. Kung ‘di sana ikaw ang sinabi kong pangalan noong tinanong ako edi sana di ka na nailang sa akin.”
Napatungo na rin ako. Awkward ang ganitong moment. Anak ng sabaw ng baka! Di ako sanay.
Tumuloy sa pagsasalita si Niña. “Totoong crush kita. Mahirap umamin pero totoo ‘yun. Nakakapanghinayang lang kasi sana ‘di ko na lang sinabi talaga.”
Capital A-W-K-W-A-R-D! Ako na! Ako na talaga!
Natahimik siya. Tahimik pa rin ako. Dumukot siya ng panyo sa kanyang bulsa at saka tumalikod. Nagpunas siya ng mukha. Humarap uli sa akin, umubo at muling nagsalita. “Gawin na lang natin ang trabaho natin.”
Ngumiti siya. Isang pilit na ngiti. At saka umalis.


Natapos ang meeting. Hindi ko na na-absorb ang mga sinabi pang iba ni Sir. Pero masaya na rin ako. Lalabas ako ng meeting room na di masyado mabigat ang loob. Pabaon sa akin ni Sir ang kanyang good news. Oh, well balik ako sa dati kong buhay. Wala nang eepal. ‘Yung Normal lang.



*disclaimer: ang kwentong ito ay likha lamang ng imahinasyon at maging ang mga karakter ng kwento ay pawang gawa-gawa lamang. Kung mayroon mang tauhan o pangyayari sa kwento na katulad ng mga tunay na tao o pangyayari, ito lamang ay buhat ng pagkakataon. Walang layunin ang may akda na manira o manakit ng kung sino o anuman.
*ang larawan ay nakuha sa http://www.regus.com.ph

basahin rin ang Part 123, 4, at 5

No comments: