Napatingin ako sa side mirror ng aking sasakyan. Naninibago ako. Wala na ang dating mukhang barbaric na ako. Di pa rin naman gaano kaiklian ang buhok ko, sapat na rin ang haba nito para makita nang maayos ang mukha. Nakakapanibago rin na wala na ang bigote at balbas ko. Excited na akong makita niya ang pagbabago sa itsura ko.
Kinuha ko ang aking cellphone. Hinanap ko ang pangalan ni Ella. Pinindot ang send message.
Mahal, sorry male-late ako. Naipit ako sa trapik. Love u
Napabuntong hininga ako at saka napatitig sa wall picture sa cellphone ko. Isang babaeng simple lamang ang kagandahan. Maputi. Medyo may kaliitan ang mukha. Malamlam na mga mata. Maliit at cute na ilong. Manipis at kulay na rosas na mga labi. Si Ella. Hindi ko mapaliwanag kung bakit todo kong minahal ang babaeng ito. Ibang-iba naman siya sa mga babaeng niligawan at nakarelasyon ko noon. Masyado siyang mahinhin. Palangiti. Fragile. Gentle. Hindi siya hot and sexy. Hindi siya stunningly beautiful. Pero minahal ko siya nang todo—nang todo-todo.
…
Maria Ella C. Fernandez
Iyon ang pangalang nakasulat sa tarhetang nahulog nung babae kanina sa bar. Nabangga siya kanina ni Alwyn, ang bokalista namin. Nahulog lahat ng gamit niya. Tumulong naman ang mga kasamahan ko sa banda na kunin ang mga nahulog na gamit. Tanging ang tarhetang ito lang yata ang hindi naibalik sa babae.
Bahista ako sa banda namin na nabuo noong college pa lang kami. Nagsimula sa jamming, ngayon ay nauwi kami sa mga gig na tulad ngayong gabi. Kung minsan rin ay mag-isa akong rumaraket. Matapos ang kolehiyo, eto na ang buhay ko. Gig, tugtog, inom, makakakilala ng babae, making out, uwi, tulog, pagkagising wala nanaman maaalala, tapos uulitin ulit ang mga naunang pangyayari. Madalas akong mag-isa. Dumidistansya rin ako sa pamilya ko. Minsan-minsan na nga rin kami magkita ni Mama.
Nakatitig ako sa tarhetang hawak ko. May nakalagay na mga numero, maging ang office address noong babae.
“Pare, masususnog na ‘yang hawak mo sa kakatitig mo,” sita sa akin ni Chito, ang drummer naming. Sa banda namin, si Chito na yata ang pinakamalapit sa akin. Hindi naman talaga kami close, pero siya ang lagging kumakausap sa akin kahit na alam niyang hindi ako nakikinig.
Ngumiti lang ako. Ibinulsa ang calling card.
“Ayun o! Ibinulsa na. ‘Wag mong sabihin na type mo ‘yung babaeng ‘yun, pare,” natawa si Chito sa mga nasabi niya. “Pare, akala ko pa naman iba ang tipo mong chicks. At saka, di ka uubra sa ganun.” Tumawa nang malakas si Chito. Hindi ko na lang pinansin ang tawa niya. Tumingin na alang ako sa malayo, at inubos ang beer sa harap ko.
Nang matapos na ang tatlong set sa gig namin, umuwi na ako. Umalis na lang ako nang di nagpapaalam sa mga kagrupo ko. Alam na nila ‘yun. Lagi ko naman silang iniwan ‘pag tapos na ang gig naming. Sanay na ang mga iyon.
Pag-uwi ko sa bahay, wala nang gising sa mga kasama ko sa bahay. Dumiretso na ako sa kwarto ko, nagtanggal ng sapatos at nagbihis. Nang ilalagay ko sa mga labahan ang aking mga damit, nahulog ang tarhetang aking naibulsa. Pinulot ko ito at muling tiningnan.
Maria Ella. Pangalan palang parang santo na. Konserbatib na konserbatib. Halata naman sa itsura niya.
Kinuha ko ang aking cellphone at tinayp ang numero. Tinawagan ko. Walang sumasagot. Maaaring tulog na. Tinext ko: Hello, nahulog mo kanina sa bar ang calling card mo. Nag-antay ako ng sagot. Walang dumating, kaya itinapon ko sa basurahan ang calling card at nagpasyang matulog na.
*Mula sa may-akda: Magre-reply si Ella...malamang

No comments:
Post a Comment