Friday, April 26, 2013

'Yung Normal Lang (Part 4)

“Sir, ligawan mo na kasi si Mam Niña. Siguradong sasagutin ka nun,”  bulong sa akin ni Jun, isa naming matabil na student trainee. Nilapitan niya ako sa may printer habang nag-aantay ako ng mga prinint ko.
Kunot-noo at nakataas-kilay ko siyang tinignan. Anak ng patola naman o! Pati ba naman ang mga trainee na kagaya ni Jun ay nakikisali na rin sa pagpares sa akin kay Niña. Simula noong insidente sa bar, isang taon na ang nakalipas, naging mistulang ka-love team ko na si Niña. Taob pa nga namin ang KathNiel, JuliElmo, MarKai (Mario Maurer at Kakai) at ang tambalan ni Maya at Sir Chief kung kiligin ang mga katrabaho ko sa aming dalawa. Mas kontrobersyal din ang tambalan naming kaysa sa love life ni Kris Aquino. Ipinagtatambal kami kahit super labag ito sa loob ko. ‘Di siya ang tipo kong babae. Bakit ba kasi mas marunong pa ang iba sa akin?
“Maganda naman po di ba si Mam? Matalino. Sexy. Maasikaso. At halata naman na may gusto siya sa’yo, Sir,” dugtong pa ni Jun.
Di pa rin ako nagsalita. Di ko nalang pinansin ang kakulitan ng epal na ito. Kaya nga ayoko sana tanggapin ang trabahong ito e. Kasi tulad nito, makakasalamuha ako ng mas marami pang pakialamero, asungot at epal. Sobra na ang mga katrabaho ko, dagdag pa ang mga ito. Kung ‘di lang kasi sa promotion, di ko ito gagawin. Tatlong linggo na rin akong nagtitiis. Di bale, kulang-kulang na dalawang linggo nalang naman.
Umiwas ako kay Jun. Kinuha ko na ang mga prinint ko sa printer at saka umalis, pero hinabol niya pa rin ako.
“So ano, Sir? Liligawan mo na si Mam Niña? Handa akong tumulong,” nakangiti niyang sabi.
Nagpintig ang tenga ko at para bang sumabog ang Mt. Taal sa dibdib ko. Napasigaw ako, “Anak ng tokwa naman o! E bakit kaya hindi nalang ikaw ang manligaw sa kanya? Tutal naman, e, ikaw interesado ka sa kanya!”
Sa lakas ng sigaw ko, lahat yata ng mga kaopisina ko ay tumingin sa akin. Sumilip ang iba mula sa kani-kanilang cubicle. Kahit ang grupo nila Niña, kasama niya ang ibang trainees, na nag-aayos ng mga files ay napatingin rin sa gawi namin ni Jun. Napabuntong-hininga ako sabay walk-out. Tatlong linggo na akong nagtitimpi. Sa isang iglap ay natapon ang lahat.



Lumipas ang buong araw na iyon na wala akong pinapansin sa buong opisina. Naririnig kong nagbubulungan ang mga kaopisina ko sa aking likod. Hindi ko na lang pinansin. Alam ko naman na mga backstabbers ang karamihan sa mga katrabaho ko. Ang daming mga sinasabi kapag nakatalikod ka. Ikaw ang hot topic kapag di ka kasama. Binubuhusan ka ng mga panlalait nang ‘di ka man lang makapag-depensa ng sarili. Huwag na lang pansinin. Iyon ang pinakamainam na solusyon ko.
Bago mag-uwian, pinatawag ako ni Boss. Alam na! Siguradong naisumbong na ako. Siguradong papagalitan ako. Siguradong-sigurado na tapos na ang maliligayang araw ko. Anak ng bukong panis! Bad trip!
Pumasok ako sa kwarto ni Boss. Nandoon si Boss. Nakaupo sa kanyang reclining chair. Nakadekwatro. Nakahawak sa kanyang baba. Nandoon rin si Niña. Nakaupo sa upuan sa harap ng mesa ni Sir. Nakayuko pero agad na tumingin noong pumasok ako. Nandoon rin si Ms. Aileen at si Ms. Ella, ang aming mga HR. Patay! Gaano kaya kalala ang misconduct ko? Ano kaya ang aking punishment? Anak na tuyong sinabawan! Bad trip talaga!
“Tuloy, Rico. Maupo ka,” yaya ni Boss. Nakangiti si Ms. Aileen at Ms. Ella. ‘Yun bang kala mo e mga anghel na nag-aantay ng aking paglisan sa mundong ito—mga tagasundo nainaabangan na tumumba na lang ako mula sa pagkakatayo ko. Dumiretso ako sa kabilang upuan kaharap ng inuupuan ni Niña. Tahimik si Niña. Halatang katatapos niya palang umiyak. May bakas pa ng luha ang basa niyang mga mata.
“So, Rico, alam mo naman siguro kung bakit ka nandito,” nakatitig sa akin si Sir. Anak ng natuyong tinola! Ano ba ang isasagot ko? Mukhang eksena lang ito sa pelikula. Iyong tipong nabuntis ng bida ang kanyang nobya at nakaharap na sila sa authoritarian niyang ama. Ekstra rin sa eksenang ito ang dalawang ate ng noyba. Anak nga naman ng butete! Bad trip!


itutuloy...

*disclaimer: ang kwentong ito ay likha lamang ng imahinasyon at maging ang mga karakter ng kwento ay pawang gawa-gawa lamang. Kung mayroon mang tauhan o pangyayari sa kwento na katulad ng mga tunay na tao o pangyayari, ito lamang ay buhat ng pagkakataon. Walang layunin ang may akda na manira o manakit ng kung sino o anuman.
*ang larawan ay nakuha sa http://www.flickr.com/photos/ketutb/102034548/in/photostream/

basahin rin ang Part 123, 4, at 5

No comments: