Tuesday, February 15, 2011

Ang Pag-ibig

Pag-ibig… Marahil gasgas na ang salitang ito para sa iyo. Mapa-dyaryo, radio , telebisyon o kahit sa mga tabi-tabi at dian sa kanto ay napag-uusapan ito. Maraming kinilig, nainis, nasaktan, napatalon sa tuwa at napatulong luha ang simpleng salitang ito. Kasi naman, hindi ba sasayaw ang puso mo kung sabihan ka ng mga katagang “Mahal kita”?

Pero paano nga ba masusubok ang tunay na pag-ibig? Ito ay masusubok sa sakripisyong handa mong gawin at daanan para lamang sa iyong minamahal. Ang mga magulang ay kadalasang isinasantabi ang sariling pangangailangan at kaginhawaan para lamang maibigay sa kanilang anak ang magandang kinabukasan. Ang isang binata'y napapahiwalay sa kanyang barkada para sa sinusuyong dalaga.

Kapag may isang tao ang dumaan sa mahirap na sitwasyon o gumawa ng isang sakripisyo para sa iyo, mararamdaman mong minamahal ka ng taong iyon, hindi ba? Ngunit kadalasan nating nakakalimutan ang pinakadakilang pag-ibig na naranasan ng sanlibutan: “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.” (Roma 5:8) Iniwan ni Cristo ang kaluwalhatian Niya sa langit at inialay Niya ang Kanyang buhay para mapabilang lang tayo sa Kanyang pamilya.

Ngayon, ano ang sagot mo sa Kanyang pag-ibig para sa iyo?

Dahil sa pagmamahal Niya sa’yo, nais ng Diyos ibigay sa iyo ang buhay na walang hanggan. Ngunit ang iyong mga kasalanan ang humahadlang sa pagtanggap mo ng kaloob na ito. Kahit mahal ka ng Diyos, hindi ka pupuwede sa kanyang presensya dahil sa iyong mga kasalanan.

Ganoon na lamang ang pag-ibig ng Diyos, kaya’t ipinadala Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak na si Jesu Cristo na sinuman ang manampalataya (kay Hesus) ay hindi mapapahamak kundi magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Si Hesus ang ekspresyon ng pag-ibig ng Diyos. Siya ang pag-ibig na ibinigay at ipinahayag ng Diyos—ang Diyos na siya ring pag-ibig. Kailangan lang nating itong tanggapin at isuko ang lahat kay Hesus. Kailangan mo lamang talikdan ang iyong kasalanan at maka-mundong gawain. Ano pa ang humahadlang sa’yo na tanggapin ang kaloob na pag-ibig ng Diyos ngayon?


No comments: