Minsan, nawawala ka na sa sarili mo. Nagugluhan. Nalilito. Di malaman ang gagawin. Bakit sa halip na kaligayahan ang maidulot ng pag-ibig ay puro sakit ng damdamin ang nakuha mo? Para yatang mali ang napasukan mo. Hindi bale, may pag-asa pa!
Maaaring sumuko ka na at nagsabing “Pagod na akong umibig,” ngunit may Isa na hindi sumusuko sa pagmamahal sa’yo. May Isang hindi ka iiwan ni pababayaan kailanaman, kahit ilan beses mo na Siyang tinalikuran. May Isa na kahit sino at ano ka pa at kahit ano pa man ang iyong mga nagawa ay tunay na magmamahal sa’yo at hinding-hindi ka bibiguin.
Mukha bang imposible na may magmahal sa’yo ng ganito? Ngunit ito’y totoo at ang tinutukoy ko ay ang Diyos. Iniibig ka ng Diyos at may magandang plano siya sa iyong buhay.
“Inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang suguin Niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan Niya.” (1 Juan 4:9) Sinasabi rin sa Roma 5:8, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.”
Sa pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan, kasama ka roon, ibinigay Niya ang kanyang kaisa-isang Anak. Dahil sa pag-ibig na iyon, namatay si Jesu Cristo maranasan lang natin ang magandang plano ng Diyos sa ating buhay.
Ang tao ay napapagod, ngunit ang Diyos ay hindi tumitigil na manuyo. Kumakatok siya sa iyong puso. “Nakatayo ako sa labas ng pintuan at tumutuktok. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, ako’y papasaok sa kanya.”
Ang Diyos ang masugid mong manliligaw. Tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umbig sa atin. (1 Juan 4:19) Iyong tanggapin lamang ang pag-ibig ng Diyos (na si Jesu Cristo) sa iyong buhay at hindi ka mabibigo sa pag-ibig na handog Niya. Talikdan mo ang iyong mga kasalanan at gawaing makalaman at isuko ang iyong sarili sa Kanya. Inaantay ng Diyos ang sagot mo.
No comments:
Post a Comment