Friday, April 20, 2012

Ms. Purple 1

      “Sige, Ja. Ingat ka. Susunod—.”
       Naputol ang tawag ni Janine kay John. Alam na ni John na nagmamadali si Janine para mapigilan ang pag-alis ni Ivan. Tinitigan niya ang kanyang cellphone at napangiti.
      “Ano raw? Nasaan na raw si Ja?” tanong ng kaibigang si Billy na kanina pang nangungulit sa anumang balita.
      “Sunod tayo sa airport. Papunta na doon si Ja.” Ibinulsa ni John ang kanyang cellphone at pumara ng padaang taxi. “Sa NAIA 3, Manong”
      “Ayos ‘to. Pang-teleserye din talaga ang love story ng kaibigan natin,” pabirong sabi ni Billy habang pasakay sa taxi.
      Bilib din si John sa kwento ng buhay-pag-ibig ng kaibigan niyang si Ivan. Matapos ipakita ni Ivan na sobrang seryoso siya sa pagmamahal niya at mabasted kay Janine, pinili nitong lumayo. Samantalang, si Janine, matapos hayaghayagang tanggihan ang pag-ibig ni Ivan, ay eto naman ngayong susundan si Ivan para ipagtapat rin ang kanyang nararamdaman at bawiin ang mga unang nasabi. Para lamang silang naghahabulan. Noong una, si Ivan ang taya. Ngayon, si Ja naman. Salitan na silang nagiging taya, di tulad ni John. Sa buhay pag-ibig ni John, siya lang ang taya.


      Tama lang ang lamig ng mga panahong iyon. Katatapos pa lang ng bagyo, at nagsisimula palang muli ang mga tao na bumangon mula sa matinding pagsalanta ng bagyo. Lumubog ang maraming lugar sa baha at maraming mga pamilya ang nawalan ng bahay at kabuhayan. Marami-rami rin ang mga nasawi sa nasabing bagyo.
      Napilit si John na sumama sa isang relief operation na inorganisa ng Campus Crusade for Christ (CCC). Ayaw ni John sa mga ganoon. Naiilang siyang kasama ang mga miyembro ng CCC na mahilig magsabi ng “praise the Lord”. Wala rin siyang hilig mag-volunteer para sa kahit anong charity works. Nakamangot siyang bumaba ng mini-bus at nagmasid sa paligid ng evacuation center.
       “Dude, ngumiti ka naman,” tuya sa kanya ni Billy.
      “Oo nga. Ang mga tao nga rito, nabagyo na pero nakakatawa pa rin. Ikaw pa kaya?,” dagdag ni Ivan. Sina Billy at Ivan ang pumilit sa kanya na sumama sa relief operation na ito. Kilala si Ivan na aktibo sa kahit na anong school organization, kasama na rito ang CCC. Si Billy naman ay naroon para sa nililigawan niyang miyembro ng organization. Magkakaibigan sila, kahit hindi rin mapaliwanag ni John kung bakit.
       Pumilit ngumiti si John. “Pasensya ka na. Sana di ka na namin pinilit na pumunta rito,” humingi ng paumanhin si Ivan.
       “Hindi. ‘Wag nyo nang isipin iyon. Mag-enjoy na lang kayo sa pagkawang-gawa. Babantayan ko nalang itong bus,” paubaya ni John. Iniwan siya ng dalawa at muli siyang nagmasid sa paligid. Nakita niya ang pinsalang naidulot ng bagyo sa barangay na pinuntahan nila. Tanging ang elementary school na ginawang evacuation center na lang ang matibay na nakatindig. Mga kalahating oras na nakatambay lang sa may pintuan ng mini-bus si John ng may lumapit sa kanya.
       “Ahm, kasama ka namin, di ba po?,” tanong ng isang mahinhin na boses. Tiningnan ni John ang nagtatanong sa kanya. Naka-violet siyang collared-shirt. Di tulad ng ibang volunteers na nakadilaw. Maamo ang kanyang mukha. Medyo morena. Mahaba ang buhok. Kasing tangkad niya.
       “Ahh, eh, oo,” utal na sagot ni John.
       “Magpapatulong sana ako na magbuhat ng mga karton ng relief goods. Siya nga pala, Ako pala si Wren Mae. Pwedeng Mae na lang,” inabot ni Mae ang kanyang kamay kay John. Inabot rin naman ito ni John at nakipagkamay. Hindi pala-kaibigan si John. Suplado siya sa mga babae. Masungit sa mga bata. Pero ibang John ang kaharap ni Mae. Parang sa isang iglap, nawala ang supladong si John.
        Pag-abot ng kamay niya, agad rin namang binitawan ni John ang kamay ni Mae na parang napaso o nakuryente. “Saan ang bubuhatin?,” tanong agad ni John.
        “Nasa loob pa ng bus,” sagot ni Mae. Agad na pumasok sa loob ng bus si John at hinakot ang mga tatlong karton ng relief goods. Pagbaba niya ulit ng bus, kinuha ni Mae ang isang karton at siya ang nagbuhat. “Salamat!,” wika pa niya.
       Sabay silang pumunta sa covered court. Pagdating doon, tumulong na rin si John sa pag-abot ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo. Nakikipagkwentuhan din naman si Mae sa kanya. Sa katunayan marami nang nalaman si John tungkol kay Mae. Pumapasok sila sa parehas na unibersidad at parehas na silang second year college. BS Psychology ang kinukuha niyang kurso. Christian Baptist na siya simula pa nang bata at Pastor ang tatay niya. Kaibigan niya ang presidente ng CCC sa unibersidad nila. Higit sa lahat, purple ang paborito niyang kulay.
      Nang pauwi na sila, tinanong ni Billy si John ng tungkol kay Mae. “Dude, type mo yun si Miss Purple no?”
      “Miss Purple?”
      “Oo. ‘Yung kausap mo kanina na naka-violet.”
      “Ah! Si Mae.”
      “Naks! Alam niya na ang name. Ayos ka, Dude. Good luck!,” sabay tapik ni Billy sa likod ni John.
      Sa ganoon nag-simula ang pagiging taya ni John sa buhay-pag-ibig niya. Lagi nang nasa laman ng kanyang isip si Mae—ang Ms. Purple ng puso niya.


2 comments:

Anonymous said...

bitin.......

Unknown said...

abangan mo po ang katuloy nito sa biyernes.... marami pang mangyayari