“Sige, Ja. Ingat ka.
Susunod—.”
Naputol ang tawag ni
Janine kay John. Alam na ni John na nagmamadali si Janine para
mapigilan ang pag-alis ni Ivan. Tinitigan niya ang kanyang cellphone
at napangiti.
“Ano raw? Nasaan
na raw si Ja?” tanong ng kaibigang si Billy na kanina pang
nangungulit sa anumang balita.
“Sunod tayo sa
airport. Papunta na doon si Ja.” Ibinulsa ni John ang kanyang
cellphone at pumara ng padaang taxi. “Sa NAIA 3, Manong”
“Ayos ‘to.
Pang-teleserye din talaga ang love story ng kaibigan natin,”
pabirong sabi ni Billy habang pasakay sa taxi.
Bilib din si John sa
kwento ng buhay-pag-ibig ng kaibigan niyang si Ivan. Matapos ipakita
ni Ivan na sobrang seryoso siya sa pagmamahal niya at mabasted kay
Janine, pinili nitong lumayo. Samantalang, si Janine, matapos
hayaghayagang tanggihan ang pag-ibig ni Ivan, ay eto naman ngayong
susundan si Ivan para ipagtapat rin ang kanyang nararamdaman at
bawiin ang mga unang nasabi. Para lamang silang naghahabulan. Noong
una, si Ivan ang taya. Ngayon, si Ja naman. Salitan na silang
nagiging taya, di tulad ni John. Sa buhay pag-ibig ni John, siya lang
ang taya.
Tama lang ang lamig
ng mga panahong iyon. Katatapos pa lang ng bagyo, at nagsisimula
palang muli ang mga tao na bumangon mula sa matinding pagsalanta ng
bagyo. Lumubog ang maraming lugar sa baha at maraming mga pamilya ang
nawalan ng bahay at kabuhayan. Marami-rami rin ang mga nasawi sa
nasabing bagyo.
Napilit si John na
sumama sa isang relief operation na inorganisa ng Campus Crusade for Christ (CCC). Ayaw ni John sa mga ganoon. Naiilang siyang
kasama ang mga miyembro ng CCC na mahilig magsabi ng “praise
the Lord”. Wala rin siyang hilig mag-volunteer para sa kahit anong
charity works. Nakamangot siyang bumaba ng mini-bus at nagmasid sa
paligid ng evacuation center.
“Dude, ngumiti ka
naman,” tuya sa kanya ni Billy.
“Oo nga. Ang mga
tao nga rito, nabagyo na pero nakakatawa pa rin. Ikaw pa kaya?,”
dagdag ni Ivan. Sina Billy at Ivan ang pumilit sa kanya na sumama sa
relief operation na ito. Kilala si Ivan na aktibo sa kahit na anong
school organization, kasama na rito ang CCC. Si Billy naman ay naroon para sa nililigawan
niyang miyembro ng organization. Magkakaibigan sila, kahit hindi rin
mapaliwanag ni John kung bakit.
Pumilit ngumiti si
John. “Pasensya ka na. Sana di ka na namin pinilit na pumunta rito,”
humingi ng paumanhin si Ivan.
“Hindi. ‘Wag nyo
nang isipin iyon. Mag-enjoy na lang kayo sa pagkawang-gawa.
Babantayan ko nalang itong bus,” paubaya ni John. Iniwan siya ng
dalawa at muli siyang nagmasid sa paligid. Nakita niya ang pinsalang
naidulot ng bagyo sa barangay na pinuntahan nila. Tanging ang
elementary school na ginawang evacuation center na lang ang matibay
na nakatindig. Mga kalahating oras na nakatambay lang sa may pintuan
ng mini-bus si John ng may lumapit sa kanya.
“Ahm, kasama ka
namin, di ba po?,” tanong ng isang mahinhin na boses. Tiningnan ni
John ang nagtatanong sa kanya. Naka-violet siyang collared-shirt. Di
tulad ng ibang volunteers na nakadilaw. Maamo ang kanyang mukha.
Medyo morena. Mahaba ang buhok. Kasing tangkad niya.
“Ahh, eh, oo,”
utal na sagot ni John.
“Magpapatulong
sana ako na magbuhat ng mga karton ng relief goods. Siya nga pala,
Ako pala si Wren Mae. Pwedeng Mae na lang,” inabot ni Mae ang
kanyang kamay kay John. Inabot rin naman ito ni John at nakipagkamay.
Hindi pala-kaibigan si John. Suplado siya sa mga babae. Masungit sa
mga bata. Pero ibang John ang kaharap ni Mae. Parang sa isang iglap,
nawala ang supladong si John.
Pag-abot ng kamay
niya, agad rin namang binitawan ni John ang kamay ni Mae na parang
napaso o nakuryente. “Saan ang bubuhatin?,” tanong agad ni John.
“Nasa loob pa ng
bus,” sagot ni Mae. Agad na pumasok sa loob ng bus si John at
hinakot ang mga tatlong karton ng relief goods. Pagbaba niya ulit ng
bus, kinuha ni Mae ang isang karton at siya ang nagbuhat. “Salamat!,”
wika pa niya.
Sabay silang pumunta
sa covered court. Pagdating doon, tumulong na rin si John sa pag-abot
ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo. Nakikipagkwentuhan din
naman si Mae sa kanya. Sa katunayan marami nang nalaman si John
tungkol kay Mae. Pumapasok sila sa parehas na unibersidad at parehas
na silang second year college. BS Psychology ang kinukuha niyang
kurso. Christian Baptist na siya simula pa nang bata at Pastor
ang tatay niya. Kaibigan niya ang presidente ng CCC sa unibersidad nila. Higit sa lahat, purple ang paborito
niyang kulay.
Nang pauwi na sila,
tinanong ni Billy si John ng tungkol kay Mae. “Dude, type mo yun si
Miss Purple no?”
“Miss Purple?”
“Oo. ‘Yung
kausap mo kanina na naka-violet.”
“Ah! Si Mae.”
“Naks! Alam niya
na ang name. Ayos ka, Dude. Good luck!,” sabay tapik ni Billy sa
likod ni John.
Sa ganoon nag-simula
ang pagiging taya ni John sa buhay-pag-ibig niya. Lagi nang nasa
laman ng kanyang isip si Mae—ang Ms. Purple ng puso niya.
2 comments:
bitin.......
abangan mo po ang katuloy nito sa biyernes.... marami pang mangyayari
Post a Comment