Monday, March 19, 2012

SANA kung TOTOO


     Antayin kita mamaya sa labas.
     Text sa akin ni Sir Kevin.

     Tatlong buwan na ako sa trabaho. Maliban sa gusto ko na ang trabaho dito, may isa pang rason kung bakit ako masipag na pumapasok—si Sir Kevin.
     Halos araw-araw dumadaan si Sir Kevin sa aking work station. Halos araw-araw rin akong lihim na kinikilig. Sa totoo lang, nahalata na rin ng mga katrabaho ko ang paghanga ko sa aming boss.
     “Jasmin, si Sir Kevin o,” sabi ni  Ivan, isa sa mga trabaho ko.
     “Asan?” Tumingin tingin ako sa paligid.
     Humalakhak si Ivan. “Uy! Hinanap nya talaga.” Biro lang pala iyon. At nahulog ako sa bitag ng number one alaskador ng bayan.
     Minsan nga daw nahuli rin ni Janine na tinitingnan din ako ni Sir Kevin. ‘Yung tipong tinatanaw daw muna kung naroon ako sa kwarto bago siya papasok. Siyempre kinilig naman ako sa balita ni Janine. Hanggang sa isang araw ay may natanggap akong text galing sa isang cellphone number na di ko kilala.
     Hi
     Agad akong nag-reply. Hello po. Sino po sila?
     Ah. Katrabaho mo po ito. Kevin Uy.
     Kinilig ako. Tinext ako ng crush ko. May sasaya pa ba  sa akin? San mo po nakuha ang number ko?
     Sorry po sa abala. Itinanong ko sa kaibigan mo. Janine yata ang name nya.
     Bakit ka po nagtext?
     Gusto ko lang magsorry about dun sa pagkabangga ko sayo noon.
     Huh? Yun lang? Ay wala yun. Eto naman. Tagal na nun a.
    
     Nag-usap kami sa text hanggang sa nakatulog ako. Simula noon nagtetext na kami sa isa’t isa, pero hindi niya pa rin ako malapitan ng personal. Nahihiya pa rin siguro siya.
     Naikwento ko rin kila Nikko at Janine na nagkakatext kami ni Sir Kevin. Wala pang isang araw ay nalaman na rin ng buong opisina ang tungkol sa amin ni Sir Kevin. Balibalita na nanliligaw si Sir Kevin sa akin.
     “Ang haba ng hair mo, ‘te,” kantyaw sa akin ni Nikko.
     “I’m happy for you, Jasmin. Sana tuloy tuloy na yan,” sabi ni Janine.
     “Sana totoo kamo,” banat ni Ivan. Nagtawanan sila.
     “Sana nga, friend, di ka matulad kay KC Concepcion,” kantyaw pa lalo ni Nikko.
     “Uy, timigil na nga kayo,” awat ni Janine.
     “Tapos sasabihin mo rin, Jasmin, kay Tito Boy: ‘Di ako ang hanap niya’,” ang di napigilang dugtong na pang-aasar ni Ivan.
     “Gusto ka lang nun kulutin o di kaya ay make-up-an.” Nagtawanan ulit sila.
     Tahimik lang ako. Pinipilit na ipagtatanggol sa isip ko si Sir Kevin. Hanggang tumunog ang cellphone ko.
     Antayin kita mamaya sa labas. Text ni Sir Kevin. Inimbitahan nya akong manood ng sine at kumain sa labas. Parang kiniliti ulit ang puso ko sa text niya.

     ________________________________________________________________

     Dalawang araw nang di nagtetext si Sir Kevin sa akin. Hindi siya nagre-reply sa mga text ko. Matapos noong pangatlong beses naming lumabas, hindi na siya nagparamdam. Bihira na rin siyang pumunta o dumaan sa aming kwarto.
     “Friend, ayos ka lang?” tanong ni Janine.
     “Oo naman.” Mukhang di nakumbinse si Janine sa sagot ko, pero tumigil na siyang magtanong.
     “Ayos lang yan, Girl. At least habang maaga pa e nalaman mong he’s not worthy of it,” sabi ni Nikko.
     “Napagtanto na nga niya sigurong bading siya.” Pilit kong pinapatawa ang sarili ko.
     Napaglaruan ba ako? Ginamit? Umasa ako. Nagpaka-tanga, pero iniwan niya ako sa ere.



ITUTULOY...

No comments: